Misa de Gallo o Nobenaryo ng Misa ng paghahanda sa pagdating ng Panginoon
- BULGAR

- Dec 15, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | December 15, 2020
Bukas ay magsisimula na ang Simbang Gabi o Misa de Gallo na ang tunay na ibig sabihin ay Nobenaryo ng Misa bilang paghahanda para sa Pasko o ang paggunita sa Araw ng Kapanganakan ng Panginoong HesuKristo.
Kailan ba talaga nagsimula ang Simbang Gabi?
Ayon kay Fr. Andres Ranoa, OFM, dinala ng mga misyunerong relihiyoso mula Mexico noong 1668 ang ‘misa ng siyam na gabi’ bilang paghahanda sa Pasko ng Kapanganakan ng Panginoong HesuKristo. Ang siyam na misa sa gabi ay may partikular na debosyon kay Maria, banal na ina ni HesuKristo, banal na ina ng Diyos.
Pagkaraan ng ilang panahon, natuklasan ng mga paring misyunaryo na nahihirapan ang mga nagsisimba sa pagdalo ng misa sa gabi. Karamihan ng mga nagsisimba ay magsasaka dahil ito ang kalikasan ng ating bansa. Dahil dito, nagpasya ang mga misyunaryong ilipat ang misa sa madaling-araw upang tuluy-tuloy na ang mga ito sa kanilang gawain sa bukid pagkatapos magsimba sa madaling-araw.
Kaya’t napakalinaw ng kaugnayan ng Simbang-Gabi na naging ‘simbang-umaga’ sa likas na katangiang pang-agrikultura o pangsakahan ng bansa at mamamayan. Ang karamihan ng nagsisimba o dumadalo sa “misa sa madaling-araw” ay karaniwang mamamayan o magsasaka.
Taun-taon sa loob ng siyam na araw (madaling-araw), nagkakaisa ang mga Katoliko sa paghahanda sa araw ng pagdating ng Mesias.
Isa sa mahahalagang intensiyon ng Nobenaryo ng Misa mula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre ay ang pagpapalakas at pagpapalalim ng pananampalatayang Kristiyano at Katoliko sa ating bansa at sa panig na ito ng mundo.
Mahalaga ito para sa karamihan ng mamamayan dahil meron tayong pagkakataong manalangin at magsakripisyo nang sama-sama para sa kabutihan at kapakanan ng lahat at ng bansa. Sari-sari ang problema ng bawat daang taon mula ng dumating ang mga unang misyunaryo sa ating bansa.
Dapat ipagdiriwang na natin sa Marso, 2021 ang ika-limang sentenaryo o 500 taon ng Kristiyanismo sa ating bansa. Subalit dahil sa pandemya ay napagkaisahan ng mga Obispong Katoliko na ilipat ang pagdiriwang nito sa Marso, 2022.
Sa taong ito, napakaraming panganib at pagsubok na hinarap ng lahat. Mula sa COVID-19 pandemic hanggang sa madugong EJK hanggang sa sari-saring kalamidad pang-kalikasan.
Ipinakilala at inakay tayo ng taong ito sa ‘new normal’. Meron nga bang bagong normal o pilit lang ibinabalik ng marami ang dating nakasanayan? Pilit pa ring ibinabalik ng sektor ng business ang ‘business as usual’. Pilit nang ibinabalik ng mga pulitiko ang dating pulitika. Dapat bang ibalik natin sa dati ang ating pananampalataya na parang walang nangyari?
Sa nobenaryo ng mga misa, nawa’y maunawaan natin ang hinihingi ng Diyos, hindi
lang ang ‘new’ kundi ang better, deeper, truer…higit pang malalim at totoong normal o buhay.




Comments