Miracle shot ni Poole, iniligtas ang Warriors sa Game 2 Finals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 7, 2022

Matapos mapahiya sa harap ng kanilang mga tagahanga sa Game 1, sinigurado ng Golden State Warriors na hindi ito mauulit sa Game 2 at dinurog ang bisitang Boston Celtics, 107-88, kahapon sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Finals sa Chase Center. Tabla na ang serye sa 1-1 at lilipat ang aksyon sa TD Garden ngayong Huwebes para Game 3 at Sabado para sa Game 4.
Lamang lang ng dalawa ang Warriors sa halftime, 52-50, subalit walang nakapigil sa kanilang arangkada. Sa sobrang buwenas ng Golden State ay naipasok ni Jordan Poole ang napakalayong milagrong tres mula sa 39 talampakan bago tumunog ang busina ng third quarter, 87-64.
Lalong ginanahan ang Western Conference champion at binuhos ng nagbabalik na si Gary Payton II at sina Poole at Nemanja Bjelica ang unang tatlong shoot ng fourth quarter para sa kanilang pinakamalaking lamang, 93-64. Kahit nagawang bawasan ng Boston ang agwat, hindi ito naging peligro at inalagaan ng mabuti ang Golden State ang lamang sa mga karagdagang anim na puntos ni Poole.
Sumandal muli ang Warriors kay Stephen Curry na gumawa ng 14 ng kanyang kabuuang 29 puntos sa third quarter at hindi na siya pinalaro ni Coach Steve Kerr sa buong 4th quarter. Nagtapos si Poole na may 17 puntos habang 12 puntos si Kevon Looney.
Namuno sa Boston si Jayson Tatum na may 28 puntos subalit inalat ang bayani ng Game 1 na si Al Horford na 2 puntos lang ang inambag. Nagtala ng 17 puntos si Jaylen Brown at 12 si Derrick White.
Naagaw ng Celtics ang Game 1 noong Biyernes, 120-108, sa likod ng 26 puntos ni Horford. Kahit bigo sa Game 2, malaking bagay ito papasok sa susunod na dalawang laro sa kanilang tahanan sa TD Garden.
Ayon sa numero, ang kahit sinong koponan na nanaig sa Game 1 ng NBA Finals ay tuluyang nagiging kampeon sa 53 ng 75 serye o 70.7%. Tumataas ang posibilidad sa 77.6% kung ang panalo ay ang host kaya malaking butas ang naiwasan ng bisitang Celtics.
Laro sa Huwebes – TD Garden
9:00 a.m. Golden State sa Boston.





Comments