Mining firm na sanhi ng landslide, dapat patawan ng mabigat na parusa
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 13, 2024
DAPAT MAY MABIGAT NA PARUSA LABAN SA MGA ABUSADONG MINING FIRM -- Nasa 37 katao na ang bilang ng mga namatay sa landslide sa Davao de Oro, at 63 pa ang missing na posibleng natabunan ng lupa.
Walang ibang dapat sisihin sa trahedya na ‘yan kundi ang mga abusadong mining company.
Sana, may senador o kongresista na gumawa ng batas na may mabigat na parusa laban sa mga may-ari ng mga mining firm sa mga lugar na may magaganap na trahedyang landslide. Dapat mapanagot, sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple homicide, multiple physical injury and damage to property at bayaran nila ng danyos ang mga biktima.
Kapag may mabigat na parusa laban sa mga may-ari ng mga mining firm, palagay natin na iiwasan na ng mga ‘yan ang maging abusado sa pagkalbo sa mga kabundukan ng bansa, period!
◘◘◘
NGAYONG VOTER REGISTRATION, SANA ANG MGA PATAY HINDI NA MAKAPAGPAREHISTRO -- Inumpisahan na ng Comelec ang voter registration.
Sana, maging mahigpit dito ang Comelec para iyong mga patay na at nakalibing sa sementeryo ay hindi makapagparehistro, boom!
◘◘◘
DAPAT SUPORTAHAN NG MAMAMAYAN ANG PANAWAGAN NI SEN. BONG GO NA SAMA-SAMANG LABANAN ANG KORUPSIYON SA ‘PINAS -- Sa 180 bansa sa mundo, pang-115 ang Pilipinas sa may malalang korupsiyon, at dahil d’yan ay nanawagan si Sen. Bong Go sa mga mamamayan na makiisa sa paglaban sa katiwalian, na isumbong sa mga otoridad ang mga gumagawa ng korupsiyon sa ‘Pinas.
Mainam ang panawagang ‘yan ni Sen. Go sa mamamayan, kasi sa sama-samang paglaban dito ay hindi man lubusang matigil, tiyak mababawasan ang katiwalian sa bansa, period!
◘◘◘
DAPAT PANGALANAN NI SEC. PASCUAL ANG MGA FOREIGN INVESTOR NA NAGPASOK NG NEGOSYO SA ‘PINAS KASI BAKA PRESS RELEASE LANG ITO, PAMPOGI POINTS KAY P-BBM -- Ibinida ni Dept. of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual na naisakatuparan na raw ang $14 billion investment pledges sa foreign trips ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM).
Sana, pinangalanan ni Sec. Pascual ang mga foreign investor na ito, kasi baka press release lang ‘yan para sa “pogi points” kay P-BBM, boom!





Comments