top of page

Mimbalot Falls Champ sa Special Race Turf

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 8, 2023
  • 1 min read

ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 8, 2023


Nakipaglutsahan sa unahan si Mimbalot Falls para sikwatin ang titulo sa Special Invitational Race I na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Humarurot agad paglabas ng aparato sina Mimbalot Falls at Secretary para magtagisan ng bilis sa unahan, nasa terserong malayo naman si Deus Ex Machina habang si Prime Billing ay naantala ang paglabas kaya naiwan ito sa largahan.


Patuloy ang kapitan sa unahan nina Mimbalot Falls at Secretary, halos mag-ubusan sila ng hininga habang nasa tersero pa rin si Deus Ex Machina.


Pagdating ng far turn ay nagkapanabayan pa rin sina Mimbalot Falls at Secretary pero pagsungaw ng rektahan ay umungos ng tatlong kabayo ang winning horse.


Hindi na maawat sa pag-arangkada si Mimbalot Falls, lalo pa itong lumayo sa rektahan kaya naman magaan na tinawid nito ang meta ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Secretary.


Inilista ng Mimbalot Falls ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si PKT Uy ang P180,000 premyo.


Nakopo ng Secretary ang P67,500 habang inuwi ng terserong Deus Ex Machina ang P37,500 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.


Samantala, inihahanda ng trainer na si ES Roxas si Mimbalot Falls para sa susunod nitong takbo sa pista.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page