Milagro sa Argentina swak sa final vs. Spain
- BULGAR

- 3 days ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 17, 2026

Photo: Malakasang finals ang aabangan sa pagitan nina alamat Lionel Messi ng Argentina at Lamine Yamal ng Spain sa FIFA World Cup. (fifapix)
Laro sa Linggo - Hard Rock
5 AM Pransiya vs. Inglatera (para 3rd)
Lumikha muli ng milagro ang defending champion Argentina sa 2-1 panalo sa Inglatera kahapon sa Mercedes Benz Stadium sa Atlanta para pumasok sa FIFA World Cup 2026 Finals. Haharapin nila ang Espanya para sa tropeo sa Lunes sa MetLife Stadium sa East Rutherford, New Jersey.
Nakuha ni kapitan Leo Messi ang bola nang tumalbog ito sa kanang poste sa sipa ng kakamping si Alex MacAllister. Ipinasa niya ito patungo kay forward Lautaro Martinez na tumalon at inulo papasok para sa nagpapanalong goal sa ika-92 minuto.
Naghintay hanggang ika-85 para naitabla ng malayong sipa ni midfielder Enzo Fernandez ang laban sa 1-1 salamat din sa pasa ni Messi. Nagdagdag ng 9 na minuto ang reperi matapos ang 90 at iyan ang pagkakataon ng Albceleste para maagaw ang resulta.
Bago noon ay pinalitan ni Martinez si defender Nicolas Tagliafico sa ika-81 at nagbunga ang balasa ni Coach Lionel Scaloni. Walang goal si Messi subalit ang kanyang ipinakita ay sapat para mapiling Man Of The Match.
Matinding dalamhati ang bumalot sa mga Ingles na limang minuto na lang ang kinailangang bunuin para makalaro sa finals. Nanatiling perpekto ang Argentina sa pitong semifinal na nakapasok sila. Tuluyang nagkampeon ang Albiceleste noong 1978, 1986 at 2022 at pangalawa noong 1930, 1990 at 2014.





Comments