top of page
Search
  • BULGAR

Middleton, nag-init sa bucks, Suns, nabigo sa game four

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 16, 2021




Tabla na ang 2021 NBA Finals sa 2-2 matapos magwagi ang Milwaukee Bucks sa bisitang Phoenix Suns, 109-103, sa Game Four kahapon mula sa Fiserv Forum. Depensa at biglang init ni Khris Middleton sa huling 2:30 ang sumalba sa Bucks na dalawang sunod na ang tagumpay sa seryeng best of seven.


Mag-isang ipinasok ni Middleton ang walong sunod-sunod na puntos upang maagaw ang lamang at lumayo na may 20 segundo sa orasan, 105-99. Bago noon ay ibinigay ni Jae Crowder ang huling lamang ng Suns sa bisa ng kanyang dalawang free throw, 99-97, subalit napako sila doon hanggang nakahirit ng isang buslo sa Devin Booker na may 13 segundong nalalabi subalit komportable ang lamang at nakakatiyak na ng panalo ang Bucks, 105-101.


Nagtapos na may 40 puntos si Middleton, 10 sa huling 2:30 ng laban. Sinundan siya ni Giannis Antetokounmpo na may 26 puntos at 14 rebound habang may 14 puntos si Brook Lopez.


Nasayang ang 42 points ni Booker kung saan dominado ng Phoenix ang unang tatlong quarter at lumamang pa ng siyam sa unang minuto ng fourth quarter, 85-76. Sinundan siya ni Crowder na gumawa ng 15 subalit hinanap ng Suns ang puntos ng mga inaasahan tulad nina Chris Paul, Deandre Ayton at Mikal Bridges.


Humugot ng inspirasyon ang Bucks sa mga kasapi ng kanilang 1971 NBA World Champion team na sina Kareem Abdul-Jabbar, Oscar Robertson at Jon McGlocklin na nanuod sa Fiserv. Hindi nasayang ang pagpunta ng mga alamat at lalong umingay ang sigaw ng mga tagahanga na “Bucks In Six”.


Gaganapin ang napakahalagang Game Five ngayong Linggo (Hulyo 18) sa Phoenix Suns Arena. Babalik ang NBA Finals sa Fiserv para sa Game Six sa Miyerkules (Hulyo 21) at kung kailangan, ang Game Seven ay nakatakda sa susunod na Biyernes (Hulyo 23) sa Phoenix.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page