ni Mai Ancheta | June 6, 2023
Sinadyang hindi banggitin ni Vice President Sara Duterte ang middle name ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na Romualdez sa kanyang talumpati nitong Lunes sa isang aktibidad.
Sa "Pasidungog" event na ginanap sa isang hotel sa Pasay City nitong Lunes, sinadyang hindi binanggit ng Bise Presidente ang middle name ng Pangulo habang isa-isang binati ang mga panauhin.
Kinilala ni VP Sara ang suportang ibinibigay ng Pangulo sa kanyang tanggapan at nagpasalamat ito sa Presidente.
"Before anything else, I would like to acknowledge the all out support of President Ferdinand Marcos Jr. to the Office of the Vice President. Di ko na banggitin ang middle initial niya. Apo alam mo yan na mahal kita," ani VP Sara.
May mga natawa sa mga bisita sa tila simpleng biro ng pangalawang Presidente.
Hindi naman nagbigay ng dagdag-paliwanag si VP Sara kung bakit sinadya nitong huwag banggitin ang middle name ng Pangulo.
Matatandaang nag-post ng matalinghagang post ang pangalawang pangulo matapos alisin si Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo bilang Senior Deputy Speaker at ginawa itong Deputy Speaker.
Binanggit nito ang salitang "tambaloslos" na kadalasang ginagamit bilang insulto sa isang lalaki. May mga nagsasabi naman na si House Speaker Martin Romualdez ang tinutukoy nito.
Comments