Mga walang ‘K’ sa 4Ps, out
@Editorial | Pebrero 3, 2024
Malaking tulong ang mga programa ng gobyerno na umaalalay sa mahihirap.
Ang problema, may mga katiwalian at pang-aabuso na nakakalusot kaya imbes na makaagapay, nagiging problema pa.
Kamakalawa nang iulat na nasa 100,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang inalis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa iba’t ibang anomalya.
Kasabay nito ang pagsasabing natapos na noong December 2023 ang pagtanggap ng naturang mga pamilya ng benepisyo sa 4Ps matapos madiskubre ang ilang iregularidad.
May mga insidente na kumakapit sa pautang ang mga benepisyaryo. Hindi pa man nagbibigayan ng ayuda, nakalaan na bilang pambayad sa mga pinagkakautangan.
Nangyayari pa na nahuhulog sa loan sharks ang mga benepisyaryo na talagang sinasamantala ang sitwasyon.
Ito ang dapat tutukan ng mga otoridad, tugisin ang mga mapagsamantala.
Sa halip na tulungan ang mga naghihirap, lalo pa nilang binabaon.
Para hindi masayang ang programa na pinopondohan gamit ang pera ng bayan, kailangang mas bantayan ito at panagutin ang mga lumalabag sa panuntunan.
Gawing regular ang pagsala sa mga benepisyaryo at personal na bisitahin para mabatid kung nagagamit ba nang maayos ang tulong na ibinibigay ng gobyerno.



Comments