top of page
Search
  • BULGAR

Mga vendor, ibinebentang pagkain panatilihing maayos at malinis

ni Ryan Sison @Boses | Abril 12, 2024



Upang makaiwas sa mga sakit tulad ng gastroenteritis, at iba pang food and water-borne diseases ngayong tag-init at dry season, hinikayat ng pamahalaan ang mga vendor na tiyakin at panatilihin ang wastong paghahanda at kalinisan ng mga pagkain na kanilang ibinebenta. 


Ito ang naging paalala ng Department of Health (DOH) sa kanila, kasunod ng nangyaring pagkaka-ospital ng hindi bababa sa walong indibidwal sa Kidapawan City sa Cotabato, matapos makaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka nitong weekend.


Ayon sa mga pasyente, nakaramdam sila ng masakit sa katawan makaraang kumain ng halo-halo na binili mula sa isang local food stall.


Ang halo-halo ay isang lokal na meryenda na binubuo ng matamis na saging, kamote, beans, halaya, jelly, gatas, at shaved ice na karaniwang ibinebenta sa panahon ng tag-init o tuwing summer.


Ipinaliwanag ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang hindi wastong pag-iimbak ng mga sangkap ng halo-halo ay maaaring humantong sa bacterial growth o pagdami ng bacteria at maka-infect sa mga konsyumer.


Sinabi ng kalihim na kung ang dami ng asukal ay hindi sapat, at ang mga ito ay naiwan sa ilalim ng init ng araw, ang mga bacteria ay maaaring dumami pa at maging kontaminado, at maging sanhi naman ng gastroenteritis. Mahalaga rin aniya rito, ang pinagmulan ng mga yelo at milk products na gagamitin para rito.


Diin ni Herbosa na kung ang mga ito ay nanggaling sa isang pagawaan ng yelo at ang tubig na ginamit sa paggawa ng yelo ay hindi malinis, sinala o filtered at potable, magkakaroon na ng problema. At kung ang gatas ay hindi refrigerated, makalipas ang ilang oras, ito ay masisira. Dapat laging galing ang gatas sa refrigerator.


Sa ngayon, batay sa social media post ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan, nasa stable na kondisyon na ang mga pasyente. Sinuri na rin ang mga sample ng halo-halo upang matukoy kung ano ang maaaring naging sanhi ng naturang sakit. Nakipag-ugnayan na rin ang local chief executive sa vendor na nagtinda ng nabanggit na pagkain.


Hindi lang ang pagkain na halo-halo ang ating dapat tingnan, kundi lahat ng ibinebenta ng mga vendor na street foods ay kailangan nating tiyaking maayos, malinis at bago na hindi iniinit lang.


Bukod dito, ugaliin nating magmasid sa paligid bago bumili sa mga vendor, baka kasi may mga nagkalat na basura o kaya may umaali-aligid na mga langaw dahil siguradong may bacteria na dala ito.  


Dapat din nating itsek mabuti ang mga binibili nating pagkain, lalo na ‘yung mga lutong ulam sa mga karinderya. Siguraduhin nating bago ang nilutong ulam na ating bibilhin. 

Para sa ating mga vendor, tiyakin lagi na maayos at tama ang ginagawang preparasyon sa mga pagkain at malinis ito bago sana ilako at ibenta. 


Isipin din sana na ang mga itinitinda nating pagkain ay mga anak, kamag-anak at pamilya natin ang bibili at kakain, para siguradong masasarapan at kanilang magugustuhan, na sa kalaunan ang ibinebentang pagkain ay kanila rin namang babalik-balikan.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page