Mga tsuper suko na, P5 dagdag-pasahe inihirit
@Editorial | August 24, 2023
Kapag non-stop ang pagsirit ng presyo ng petrolyo, kasunod na nito ang panawagan na taas-pasahe.
Naghain na ng petisyon ang ilang transport groups sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para madagdagan ng P5 ang minimum fare sa pagsakay sa mga pampasaherong jeep.
Bukod dito, nakasaad din sa petisyon ang gusto nilang dagdag-P2.80 sa bawat kilometro ng biyahe matapos ang unang apat na kilometro.
Inihain ng Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) ang petisyon.
Kasabay nito, hiniling din nila na aprubahan muna ng LTFRB ang P1 provisional fare hike, kasama na ang pasahe sa modern jeepneys.
Batid naman ng isang grupo na hindi maaaprubahan ang P5 dagdag-pasahe at maaari umanong ang mapagkasunduan sa negosasyon ay P2.
Nauunawaan natin ang pasanin ng mga tsuper dahil sila rin ay may pamilyang binubuhay. Hindi tayo kontra sa hirit na taas-pasahe dahil totoo namang grabe ang presyo ng petrolyo subalit ang paraang ito ay maituturing na isang band-aid solution na ipapasa sa komyuter.
Maaaring hindi na kayanin ng mga mananakay kung magdadagdag pa ng pasahe dahil katataas lamang ng minimum fare, sasabayan pa ng pagmahal ng mga bilihin.
Nasaan na ba ang fuel subsidy na laan para sa mga operator at driver?
Napag-alaman na ngayong taon ay may nailaan na P3 bilyon para sa fuel subsidy sa sektor ng pampublikong transportasyon, bakit ba hindi pa maipamigay para man lang maibsan ang epekto ng oil price hike?
Kung hindi kayang suspendihin pansamantala ang paniningil ng fuel excise tax hanggang sa maging stable na ang presyo ng mga produktong petrolyo, dapat ay humanap na ng mga alternatibong paraan ang gobyerno upang matulungan ang mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon, maging ang mga pasahero sa tuwing sumisirit ang presyo ng petrolyo.



Comments