top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga tsuper at operators, palag-palag sa ibang pagkakakitaan

BULGAR
Mar 18, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 18, 2022


Kani-kanyang diskarte ang mga tsuper para makatipid sa gas at magkaroon ng dagdag na kita sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.


Ang ilang motorista, pinipiling magbisikleta papasok ng trabaho at may mga nagko-commute na lang dahil wala pa namang pagtaas sa pamasahe.


Pero ang ilang mga PUV drivers at operators, sa halip na pumasada ay nagbebenta naman ng gulay, karne o pumapasok sa iba pang negosyo. Paliwanag nila, sayang din ang pagod sa pamamasada kung wala naman silang maiuuwing sapat na kita para sa kanilang pamilya dahil nauubos lang ito sa pagpapagasolina.


Bagama’t may inaasahang fuel subsidy, panandalian lamang umano ito, kaya nanawagan din sila ng pangmatagalang solusyon tulad ng pagtaas ng singil sa pamasahe.


Sa totoo lang, magandang balita na may iba pang paraan para kumita ang ilang mga apektado ng taas-presyo ng langis. At habang magandang diskarte ito para sa mga may puhunan, paano naman ang mga walang-wala?


Marami na ring mga drayber at rider na huminto sa pamamasada dahil hindi na talaga kinakaya. ‘Yung iba naman, kaya pang pumasada, pero ‘di na praktikal dahil halos wala na ring kinikita, kumbaga, pagod ka na pero gutom pa rin ang pamilya.


Kung maraming hihinto sa pagpasada dahil sa taas ng presyo ng petrolyo, may domino effect ito sa iba pa nating mga kababayan. Kung limitado ang babiyahe, mahihirapan naman ang mga komyuter na karamihan ay manggagawa.


Kaya hiling natin sa mga kinauukulan, sana’y kasunod ng pamamahagi ng fuel subsidy ay ang pangmatagalang solusyon na hinihingi ng ating mga tsuper. Batid nating mas gusto nilang mamasada kesa umasa sa ayuda.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page