Mga tserman, mapapalaban sa drug war, kayanin kaya?
@Editorial | March 20, 2023
Sa lala ng problema sa ilegal na droga, humingi na ng tulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay upang paigtingin ang programa kontra droga.
Marapat lang na makipag-ugnayan ang DILG sa mga barangay upang mas matutukan ang drug war.
Kung mapapansin ay halos lahat ng krimen at patayan ay may koneksyon sa droga, nakakabahala na ang mga ganitong sitwasyon, lalo na’t naiimpluwensiyahan na rin ang mga menor-de-edad.
Dapat na gamitin ang Barangay Assembly Days ngayong Marso para talakayin ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program.
Kung matatandaan, noong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinatupad niya ang “Oplan Tokhang” na ang layunin ay malabanan ang drugs.
Sa ilalim naman ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos, nais na gamitin ang nasabing pagtitipon upang matulungan ang pamahalaan na maresolba ang problema sa droga. BIDA na mapababa ang demand ng ilegal na droga sa tulong ng mga komunidad, at upang mabigyan sila ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng Community Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP).
Malaking hamon sa mga opisyal ng barangay ang pagtutok sa drug war. Kailangan ng tapang at konsensya. Kailangang harapin ng mga kapitan at kanyang mga tauhan ang mga tulak sa barangay at lahat ng puwedeng masagasaan.
Ang tanong, kayanin kaya nina kap?



Comments