Mga trapong may dynasty, 'di suwerte sa pulitika, marami lang talagang bobo-tante
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 21, 2022
SABLAY NA HIRIT NINA SARA AT ROMUALDEZ BAKA KAY BBM MAG-BOOMERANG – Sablay ang gustong mangyari ni incoming Vice Pres. Sara Duterte na ipatigil ang mga paliga, pageant at iba pang kasiyahan sa mga piyesta sa mga barangay dahil sayang lang daw gov't. funds na ginagastos dito at mungkahi ni incoming Speaker Martin Romualdez na ipagpaliban ang Barangay at SK (Sangguniang Barangay) Elections sa Dec. 5, 2022 sa katuwiran na sayang din daw ang higit P8 bilyong gagastusin sa halalang pambarangay.
Sa panahon kasi ng kampanya ay walang sinabi si incoming Pres. Bongbong Marcos na hindi gagastusan ng kanyang gobyerno ang mga pa-contest sa mga barangay at wala rin siyang sinabing ipagpapaliban niya ang Barangay at SK Elections, tapos ipipilit nina Sara at Romualdez ang ganyan.
Kapag ipinilit nina Sara at Romualdez ang mga kagustuhan nilang 'yan, ay hindi naman sa kanila magbu-boomerang 'yan, kundi sa gobyerno ni incoming Pres. Bongbong Marcos, period!
◘◘◘
HINDI LANG ONLINE SABONG DAPAT IPA-STOP, KUNDI PATI STL CON JUETENG AT PERYA NG BAYAN CON JUETENG – Sabi ni Spokesman Atty. Vic Rodriguez, tuluyan na raw ipapa-stop ng BBM gov't. ang online sabong sa bansa, dahil para raw sa incoming president ay importante ang pamilya kaysa sa sugal.
Sana, hindi lang online sabong ipa-stop ni BBM, kundi pati ang STL (small-town lottery) con jueteng at perya ng bayan con jueteng dahil sa totoo lang, maraming pamilya rin ang nawawasak dahil sa mga ganitong uri ng sugal sa bansa, boom!
◘◘◘
HALOS LAHAT NG TRAPO NA MAY DYNASTY, WAGI SA ELEKSYON – Halos lahat ng mga trapo (traditional politicians) na nagtataguyod ng political dynasty ang nagwagi sa nakalipas na halalan.
Tandaan ha, hindi sila (political dynasty) suwerte sa pulitika, kundi sadyang marami lang talagang mga bobo-tante sa 'Pinas, period!
◘◘◘
MGA MAHIHIRAP NAGREREKLAMO NA SILA'Y MAHIRAP PERO PANAY NAMAN BOTO SA MGA TRAPO NA NAGPAPAYAMAN LANG SA PODER – Sa survey ng SWS ay 10.9 milyong pamilyang Pinoy ang nagsabi na sila ay mahirap.
Kita n'yo 'tong mga mahihirap na pamilya, mga nagsisipagreklamo na sila raw ay mga mahirap, hindi na umasenso sa buhay, pero kada- eleksyon, ang ibinoboto naman ay mga trapo na may political dynasty na ang mga layunin sa pagkandidato ay hindi naman iahon sa kahirapan ang mga mahihirap, kundi ang pakay ay lalong magpayaman sa mundo ng pulitika, mga buset!





Comments