Mga titser na buwis-buhay sa BSKE, suklian ng maayos na pasahod
- BULGAR
- Nov 4, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | November 4, 2023
Para sa mga gurong nagsilbi sa katatapos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), hindi makapagbibigay ang Commission on Elections (Comelec) ng kanilang hinihinging overtime pay.
Ito ang nilinaw ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa inihirit ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na mabigyan ng OT pay ang mga guro na walang humpay na nagtrabaho sa eleksyon ng mahigit sa 24-oras.
Ayon kay TDC Chairman Benjo Basas, marami sa kanilang Department of Education employees ang nagtatrabaho na lagpas pa sa 24 oras at sila ay entitled para sa overtime pay.
Paliwanag naman ni Garcia na kahit gaano pa nila gustuhing mabigyan ng OT pay ang mga guro na nagtrabaho sa eleksyon ay hindi nila ito magagawa dahil walang budget ang poll body para sa kanila.
Aniya, sa ilalim ng joint circular ng Commission on Audit-Department of Budget and Management (COA-DBM), tanging ang mga empleyado lang ng kagawaran ang entitled o mayroong overtime pay.
Diin ni Garcia, ang mga guro kasing nagsilbi bilang electoral board members noong halalan ay hindi naman empleyado ng Comelec.
Matatandaang sinabi ng grupo na ang honorarium para sa mga gurong nagsisilbing miyembro ng electoral board (EB) ay ikinokonsiderang per diem, o daily allowance, at kinu-compute base sa tatlong araw – tatlong eight-hour shift - o 24 oras ng walang tigil na trabaho.
Nasa tinatayang 500,000 public school teachers ang nagsilbi bilang poll workers sa BSKE nitong October 30.
Sa kabilang ng pagod, gutom at hirap ng mga guro na kanilang naranasan sa katatapos na BSKE, ang hiling sana nilang OT pay ay nauwi lang pala sa wala.
Tila binabalewala naman ng kinauukulan ang ginawa ng ating mga guro nitong nakaraang eleksyon. Sa halip na suklian natin ang kanilang pagsisikap para maging maayos ang pagboto ng mga botante sa bawat presinto noong eleksyon ay nalimutan silang bigyan man lang ng anumang insentibo sa pagtatrabaho nila nang higit pa sa inaasahan.
Kung hindi ang Comelec ang may budget para sa mga gurong nagsilbi sa eleksyon, hindi ba’t ang mismong Department of Education (DepEd) ang dapat na responsable rito?
Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay pagtuunan natin ang isyung ito para sa ating mga guro.
Hindi naman siguro aabutin ng napakalaking budget ito dahil halos 3 araw lang ang kanilang hinihinging overtime pay. Isipin natin na mas makabubuti ito para sa mga guro at mapapakinabang nila at kanilang pamilya, hindi ‘yung kung anu-anong budget ang hinihingi para sa iba’t ibang proyekto na wala naman talagang patutunguhan na kalaunan ay nasasayang lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments