top of page
Search
  • BULGAR

Mga taga-Port of Subic, 'nganga' sa sugar smuggling at agri-smuggling?!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 6, 2022


MGA CONG., WA' PAKI SA PAKIUSAP NI SEC. ANGELES NA BIGYAN NG BUDGET ANG IBC KASI MARAMING MAWAWALAN NG WORK—Nanawagan si Press Sec. Trixie Angeles sa mga kongresista na lagyan ng budget ang government TV station na IBC kasi kung hindi ito malalagyan ng pondo ay maoobliga itong tumigil sa operasyon sa January 2023, na magdudulot upang daan-daang workers nito ang mawalan ng hanapbuhay.


Sa isyung ito, huwag umasa si Sec. Angeles na pakikinggan ng mga kongresista ang kanyang panawagan kasi likas na sa mayoryang mambabatas ang may "pusong bato" sa manggagawa.


◘◘◘


DAHIL WALA SA 2023 NATIONAL BUDGET ANG PONDO PARA SA BATAAN NUCLEAR PLANT, HUWAG UMASA ANG PUBLIKO NA BABABA ANG SINGIL SA KONSUMO SA KURYENTE—Sa 2023 National Budget na P5.268 trilyon ng Marcos administration ay walang nakasaad dito na budget para sa operasyon ng Bataan Nuclear Plant.


Dahil d'yan, huwag umasa ang publiko na bababa pa ang konsumo sa kuryente sa mga darating na panahon kasi ang hindi paglalagay ng budget sa gastusin sa operasyon ng Bataan Nuclear Plant ay indikasyon na walang plano ang gobyerno na i-operate ito.


◘◘◘


KUNG HINDI SANGKOT SA SUGAR SMUGGLING ANG MGA TAGA-PORT OF SUBIC, IBIG SABIHIN AY 'NGANGA' SILA KAYA NALULUSUTAN NG MGA SMUGGLERS—Ang naging dahilan ni Customs Commissioner Yogi Felimon Ruiz, kaya niya ibinalik sa puwesto ang mga sinibak na sina Port of Subic District Collector Maritess Martin, Assessment Division chief Belinda Lim, Deputy Collector for Assessment Maita Acevedo, Deputy Collector for Operations Giovanni Leynes, Enforcement Security Service Commander Vincent Mark Malasmas at Customs Intelligence and Investigation Supervisor Justice Roman Geli ay dahil sa imbestigasyon nila ay hindi naman pala sangkot sa sugar smuggling ang mga Customs officials.


Ang tanong, kung talagang hindi sila sangkot sa sugar smuggling, bakit nakalusot sa Port of Subic ang mga inismagel na asukal? Ang ibig bang sabihin niyan, kaya nalulusutan ng mga sugar smuggler ang mga taga-Port of Subic ay dahil "nganga" lang sila sa kanilang pwesto?


◘◘◘


MGA TAGA-PORT OF SUBIC, INIMBESTIGAHAN DIN BA SA AGRI-SMUGGLING?—Tutal, inimbestigahan na rin lang ni Comm. Ruiz ang mga opisyal ng Port of Subic at aniya'y hindi sangkot sa sugar smuggling ang mga Customs officials, eh, ang tanong ulit, inimbestigahan din kaya niya ang mga ito tungkol naman sa ibinulgar noong April 2022 ni dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III na ang mga smuggled agri-products ng mga smuggler na sina "Leah Cruz", "Manuel Tan", "Andrew Chang" at "Jun Diamante ay sa Port of Subic ipinupuslit?


Kung hindi pa, aba, dapat imbestigahan ulit ni Comm. Ruiz ang mga opisyal ng Port of Subic kung paano nakakalusot sa kanilang jurisdiction ang mga smuggled agri-products kasi sa totoo lang, nang dahil sa mga agri-smugglers kaya sobrang mahal na ngayon ang presyo ng sibuyas at bawang.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page