Mga sexy vloggers at actress na halos maghubad sa socmed makakuha lang ng followers, tuluyan para matauhan
- BULGAR
- Jan 21, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 21, 2024
SUPORTAHAN DAPAT NG MAMAMAYAN SI VP SARA SA LABAN SA CHA-CHA, KASI HINDI PINOY ANG MAKIKINABANG DITO KUNDI MGA PULITIKO -- Nagpalabas ng statement si Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio nang pagtutol sa “People’s Initiative” para sa pagbabago ng Saligang Batas, dahil ayon sa kanya ay mas dapat magpokus ang Senado at Kamara sa paglutas sa kahirapan ng mga Pinoy at pagpapairal ng peace and order sa bansa, kaysa unahin ang Charter Change (Cha-cha).
Dapat suportahan ng mamamayan si VP Sara sa laban niya kontra Cha-cha kasi hindi naman mahihirap na Pinoy ang makikinabang sa pagbabago ng Konstitusyon, kundi ang mga pulitiko kapag naisingit ang “no term limit” sa mga nakaupong politicians, period!
◘◘◘
MARAMING PULITIKO NA NAGSABING MAGRE-RESIGN, ‘DI NAMAN NAG-RESIGN KAYA HUWAG NANG ASAHANG MAGRE-RESIGN SI SP ZUBURI -- Malabong mangyari ang sinabi ni Senate President Migz Zubiri na siya ay magre-resign kapag nahaluan daw ng political provision tulad ng “no term limit” sa pulitiko ang isinusulong nilang Cha-cha o pagbabago sa Saligang Batas dahil ayon sa kanya, economic provisions lang daw ang babaguhin sa Konstitusyon, at wala na raw iba.
Marami na rin kasing pulitiko ang nagsabi na sila ay magre-resign kapag nababatikos ng publiko, pero kapag lumamig na ang isyu, hindi naman nagsisipag-resign, tsk!
◘◘◘
SEN. JINGGOY GUILTY SA KASONG BRIBERY, PERO WALANG KULONG – Bagama’t naabsuwelto si Sen. Jinggoy Estarada sa kasong plunder na may kaugnayan sa pork barrel scam ay guilty naman siya sa kasong direct at indirect bribery, at kahit sinentensyahan siya ng korte ng 10 hanggang 12 taong pagkakakulong, bailable naman ito at laya pa rin siya dahil ayon sa kanyang mga abogado ay magpa-file sila ng mosyon sa Supreme Court (SC).
Onli in da ‘Pinas lang ‘yan, basta’t maimpluwensya ang hinatuan ng guilty sa kaso eh, walang kulong, boom!
◘◘◘
KASONG CYBERCRIME NI TONI FOWLER MAGSILBING ARAL SANA SA IBANG SEXY VLOGGER AT SEXY ACTRESS NA HALOS MAGHUBAD NA SA SOCIAL MEDIA MAKAKUHA LANG NG MARAMING FOLLOWERS -- Swak ang sexy vlogger/actress na si Toni Fowler sa kasong Cybercrime na may kaugnayan sa indecent show niya sa social media at sa ngayon, kaya lang siya hindi nakukulong ay dahil nakapagpiyansa na siya para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Magsilbing aral sana ang nangyaring ito kay Toni Fowler at sa iba pang sexy vlogger at sexy actress na halos maghubad na sa ipinu-post nilang mga video sa social media para lang makakuha ng maraming followers, period!





Comments