Mga senior, ‘wag paasahin, pangakong social pension, tuparin
@Editorial | November 18, 2023
Umabot na sa 466,000 senior citizens ang nasa waiting list para sa social pension.
Ito ang inilahad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Senado nitong Huwebes.
Bagama’t dodoblehin ang budget ng ahensya para sa social pension para sa susunod na taon, marami pa umanong kailangang gawin.
Napag-alaman na ang halos 470K seniors na nasa waiting list ay talagang lumobo mula sa dating 228K na maaari umanong hindi kayanin ng limitadong pondo.
Napag-usapan din sa isinagawang interpelasyon sa badyet ng DSWD ang paraan kung paano pinipili ng ahensya ang mga benepisyaryo na ang naging tugon ay wala umanong malinaw na paliwanag dahil kung tutuusin, lahat ay kuwalipikado, sadyang wala lang pondo.
Ito ang problema kapag tila hindi napag-aaralang mabuti ang mga impormasyon o datos bago nagpapatupad ng isang batas o programa. Tipong nakapangako nga, napako naman.
Matatandaang napakasaya ng mga lolo’t lola nang inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na P49.81 bilyon ang inilaan sa panukalang 2024 National Budget para pondohan ang pagtaas ng social pension ng mga mahihirap na senior citizens.
Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPIC) Program ay nagsimula noong 2011 sa pamamagitan ng Republic Act 9994, Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagbibigay ng karagdagang tulong ng gobyerno na P500 buwanang allowance upang madagdagan ang pang-araw-araw na gastusin at iba pang pangangailangang medikal ng mga mahihirap na senior citizen na mahina, may sakit o may kapansanan; na walang regular na kita o suporta mula sa pamilya at mga kamag-anak; at walang pensyon mula sa pribado o institusyon ng gobyerno.
Samantala, ang Social Pension for Indigent Seniors Act (RA 11916), ay naging batas noong Hulyo 30, 2022, at opisyal na dinoble ang buwanang pensyon mula sa kasalukuyang P500 hanggang P1,000 sa bawat senior indigent.
Malinaw na ito ay aprubado at dapat ipatupad, kaya umaasa tayo na tutuparin ang pangako sa mga matatanda. Lagi nating sinasabi na napakalaki ng kanilang ambag sa ating bayan. Pero sa halip na suklian ito ng kabutihan, bakit tila pinapaasa at pahirapan pa kung mabigyan ng tulong?



Comments