top of page
Search
  • BULGAR

Mga sekyu, ‘wag gawing pang-all around ang trabaho

@Editorial | December 18, 2023


Isa ang mga security guard sa nagpapanatili ng kaayusan ng bawat establisimyento at pumoprotekta sa ating mga ari-arian.

 

Ngunit, napapansin natin na hindi lang pagbabantay sa kanilang place of duty ang kanilang ginagawa, kundi pati ibang responsibilidad ay kanila na ring ginagampanan.

 

Kaugnay nito, nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi dapat pilitin ng mga business establishment ang mga security guard na gawin ang ibang mga tungkulin. Halimbawa nito ang pagtatalaga sa kanila bilang mga parking attendant.

 

Nakasaad sa isang memorandum advisory na may petsang Disyembre 14, pinaalalahanan ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ng PNP ang mga may-ari at tagapamahala ng mga commercial establishments na iwasan ang pagpataw sa mga security guard ng ibang mga gawain maliban sa kanilang mga itinakdang tungkulin.

 

Hindi rin dapat umano na pilitin ang mga security guard na gawin ang mga trabaho ng checker, verifier at service crew o makisali sa mga application documents habang nasa duty.

 

Binalaan din ang mga security agency operator na dapat sumunod sa rules and regulations na itinakda ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act 11917 o Private Security Services Industry Act.

 

Ang pagpilit sa mga security guard na gawin ang mga tungkulin na hindi naman nakatalaga sa kanila ay paglabag na sa kanilang karapatan.

 

Kung ang maghapong nakatayo para lang mabantayan o maprotektahan nila ang ating buhay at ari-arian ay nakakapagod na para sa kanila, paano pa kaya kung sila rin ang pinapagawa ng trabaho ng iba. Tandaan, hindi sila pang-all around na trabahador.

 

Panawagan sa mga kinauukulan, bigyan sana ng proteksyon ang ating mga security guard at sampulan ang mga may-ari ng establisimyento na sapilitan silang dinadagdagan ng trabaho.

 

 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page