top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mga sasakyang bumabagtas sa M. Mla., mas dumami

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 19, 2024


Boses by Ryan Sison


Mas magiging matrapik pa siguro sa Kalakhang Maynila dahil sa pagdami ng iba’t ibang sasakyan na bumabagtas dito.


Tumaas kasi sa 1.1 milyon ang mga sasakyan na dumaraan sa mga lansangan ng National Capital Region (NCR) mula ito taong 2013 hanggang 2023.


Batay sa Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), ang average ng annual daily traffic ay umakyat ng 3.6 milyon noong 2023 mula sa 2.5 milyon noong 2013.


Nanguna ang Commonwealth Avenue, Quezon City sa mga lugar na may pinakamataas na pagtaas sa trapiko na mayroong 237,577 sasakyan noong 2013, habang pumalo sa 407,988 behikulo noong 2023 o pagtaas ng 71.7 porsyento.


Gayundin, tumaas ang bilang ng bumibiyaheng mga motorsiklo ng 286.5 porsyento dahil sa nauso ang mga delivery rider at motorcycle taxis.


Ayon pa sa CPBRD, tumaas din ang bilang ng mga bumili ng tricycle ng 33,397 noong 2023 mula sa 23,141 noong 2013, habang bumaba naman ang mga nakabili ng kotse na nasa 1.7 milyon noong 2023 mula sa dating 1.73 milyon noong 2013.


Hindi talaga luluwag ang trapiko sa Metro Manila dahil sa mas lalong dumami ang gumagamit ng kani-kanyang sasakyan na dumaraan sa naturang lugar.


Kung titingnan kasi halos lahat ng uri ng behikulo ay bumabagtas na rito, nariyan ang bus, jeepney, motorsiklo, e-trike, mga kotse, etc. At kapag nagsabay-sabay na bumiyahe ang mga ito, siguradong sala-salabat din ang trapik sa mga lansangan.


Marahil, napapanahon na para pag-ibayuhin ng gobyerno ang ating mass transportation system upang masolusyunan na rin ang napakatagal nang problema sa trapiko. Habang makakatulong pa ito sa maraming komyuter.


Kapag merong ganitong maayos na mass transport, maalwan at maginhawa na ito para sa mga kababayan, kung saan ang ibang may mga sasakyan ay mag-iisip na mag-commute na lamang dahil magiging maganda at safe naman ang kanilang pagbiyahe. 


Sa kinauukulan, makapag-isip sana ng paraan para maresolbahan agad ang mga suliranin hindi ‘yung maghihintay muna ng maraming magrereklamo at maaapektuhan bago kumilos at saka aaksyunan. 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page