top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga sangkot sa election-related violence, tuluyan!

BULGAR
May 4, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 4, 2022


Isang linggo bago ang May 9 elections, nakapagtala ng kabuuang 52 insidente ng election-related violence sa bansa ang Philippine National Police (PNP).


Ayon sa pulisya, nasa 28 mula sa 52 insidente ang kumpirmadong walang kinalaman sa nalalapit na halalan, habang nasa 14 insidente naman ang kasalukuyang iniimbestigahan.


Nasa 10 insidente pa lamang ang kumpirmadong election-related, kung saan ang apat dito ay mula sa Ilocos Region, tatlo mula sa Zamboanga at isa mula sa Central Luzon, Northern Mindanao at Cordillera.


Matatandaang, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nasa 104 munisipalidad at 14 lungsod ang nasa ilalim ng red category dahil sa posibilidad ng election-related violence at presensiya ng mga armadong grupo at intense political rivalry.


Unang nagpakalat ng mahigit 41,000 police personnel ang PNP sa mga polling centers at Comelec checkpoints upang tiyakin ang seguridad ng halalan.


Bagama’t ‘di natin masabi kung may kaugnayan ito sa mga mismong kandidato, nakalulungkot dahil umabot sa ganito.


Kaya pakiusap sa mga tagasuporta, hinay-hinay lang. Tandaan na ang halalan ay hindi panahon para magbangayan. Hangga’t alam nating nasa tama tayo, ‘di natin kailangang gumamit ng karahasan. Imbes na mauwi sa sakitan, dapat ay lalo tayong nagkakasundo upang magluklok ng lider na karapat-dapat mamuno.


Nauunawaan nating may kani-kanyang opinyon at pinaniniwalaan ang bawat isa, pero dapat manaig ang kabutihan at iwasan nating magkasakitan.


Sa kabilang banda, pakiusap natin sa mga kinauukulan na imbestigahang mabuti ang mga insidente at panagutin ang mga sangkot.


Kung mapapatunayang may kinalaman ang kandidato, tiyaking mapaparusahan ito.

Hindi dapat magkaroon ng puwang ang karahasan sa darating na halalan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page