Mga sangkot sa daan libong puslit na sibuyas, talupan!
- BULGAR
- Dec 5, 2022
- 1 min read
@Editorial | December 5, 2022
Nakapanlulumo ang ulat na 100,000 puting sibuyas ang ilegal na nakapasok sa bansa.
Nagkakahalaga ito ng P30 milyon na nakumpiska ng Bureau of Customs at Department of Agriculture.
Nasabat ito habang nasa loob ng container vans.
Iniimbestigahan na kung may kaugnayan ito sa kakulangan ng suplay ng sibuyas sa bansa.
Napag-alamang walang import documents ang nasabing shipment at hindi sumailalim sa kahit anong food safety regulations.
Hindi lang ito banta sa kabuhayan ng bansa, may peligro rin sa mga local agri-fisheries sector dahil ang mga cargo ay maaaring magdala ng mga transboundary diseases. Ang mas malala, kapag umabot na sa konsyumer, delikado rin ang kalusugan dahil sa kemikal na hindi nasuri.
Inirekomenda na ng mga authority mula sa Agriculture Department na kasuhan ang mga smugglers. Mas mainam, lahat ng sangkot sa pagpuslit ay tuluyan at panagutin.
Sa ngayon, ang presyo ng sibuyas ay nasa P300 kada kilo na sa mga wet markets kahit na sabihing sapat ang supply nito.
Nakakaiyak dahil wala naman tayong magagawa kundi ang pikit-mata na bumili dahil kailangan.
Bago pa tuluyang bumaha ng mga smuggled na sibuyas, tukuyin na ang mga nasa likod nito at mas bantayan ang pagpasok ng iba pang imported na produkto.
Walang masama sa pag-aangkat kung kinakailangan, ang hindi makatarungan ay ang sobra-sobrang supply at ipinupuslit pa.



Comments