Mga sangkot sa anomalya ng bigas, ‘di sapat ang suspensyon dapat kasuhan
- BULGAR
- Mar 6, 2024
- 1 min read
@Editorial | Marso 6, 2024
Isinailalim na sa preventive suspension ang hepe ng National Food Authority (NFA) at 138 iba pang mga opisyal at empleyado dahil sa hinihinalang kaugnayan ng mga ito sa bentahan ng rice buffer stock.
Nakitaan umano ng Ombudsman ng merito para patawan ng preventive suspension na ipatutupad sa loob ng anim na buwan ang mga opisyal at empleyado na sinasabing sangkot sa pagbebenta ng NFA buffer stocks ng bigas na ikinalugi ng gobyerno.
Matatandaang isiniwalat ng isa ring opisyal ng NFA ang umano’y pagbebenta ng aabot sa 75,000 bags ng NFA na hindi dumaan sa public bidding. Isiniwalat nito ang nasabing iregularidad kung saan nag-isyu umano ng memoranda para pahintulutan ang pagbebenta ng 75K bags na aabot sa P93.75 milyon sa ilang mga negosyante.
Samantala, ang mga sangkot sa kaso ay maaari umanong maghain ng apela sa
Ombudsman.
Hindi biro ang isyung ito lalo’t apektado ang publiko. Kailangang maimbestigahang mabuti ang kaso at dapat ay matapos nang nabibigyang linaw ang lahat.
May nangyari nga bang anomalya? Sino ang mga sangkot? Paano ito nakalusot? Marami pang mga tanong na dapat masagot.
Higit sa lahat, sakali mang may mapatunayang gumawa ng ilegal at may nagpabaya sa tungkulin, ‘di sapat ang suspensyon o pagsibak, kailangang kasuhan.
Comments