Mga sangkot sa agri-smuggling, ilantad at ikulong!
@Editorial | Pebrero 4, 2023
Matindi talaga ang problema sa smuggling. Kayang-kayang pabagsakin ang ekonomiya ng bansa.
Batid natin na matagal na itong nangyayari, pero hindi naman ito rason para hayaan na lang na namamayagpag. Hindi puwede na dahil nakakalusot, eh palulusutin na lang ang mga smugglers.
Huwag ding hayaan na basta na lang matabunan ng ibang isyu.
Ano na nga ba ang nangyari ru’n sa mga ibinulgar na agri-smugglers?
Ayon sa Department of Agriculture (DA), plano nilang magsampa ng kaso laban sa mga importer na makailang beses na nahulian ng mga smuggled agri products.
Kasunod ito sa pagsampa na ng kaso laban sa dalawang kumpanya na sangkot sa pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura.
Patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para tuluyang masampahan ng kaso ang mga smugglers.
Umaasa tayo na hindi nila tatantanan hanggang sa maubos ang mga smugglers, parang imposible pero sapat nang nasisimulan at paisa-isa ay may nasasampolan.
Kung gusto talaga ng ating gobyerno na matigil ang smuggling at may mga managot sa pananabotahe sa ating ekonomiya, walang ibang paraan kundi ang ilantad ang lahat ng sangkot, lahat! Walang itatago at walang aarborin.
Kapag tuluyang napabagsak ang mga smugglers, 'yun na ang simula ng tunay na pagbabago at totoong pagbangon ng bansa.



Comments