Mga raket ng kawatan, back to normal na rin
ni Ryan Sison - @Boses | April 10, 2022
Nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng theft at robbery sa Metro Manila.
Ito ang kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan karamihan umano sa mga naitala ay theft cases at mas maraming kaso ng robbery.
Mula Enero 26 hanggang Marso 1, nakapagtala ang NCRPO ng 288 theft cases na mas tumaas nang 4.17% sa 300 cases mula Marso 2 hanggang Abril 5, habang ang robbery cases naman ay tumaas sa 122 kaso mula sa 114 sa parehong panahon.
Ayon sa NCRPO, kadalasang nangyayari ang krimen sa mga lugar na mababa ang police visibility tulad ng mga mall at palengke.
Kasabay ng ulat ang paalala sa taumbayan na maging mas maingat kung magtutungo sa mga mataong lugar, lalo na ngayong Semana Santa.
Gayundin, nagpaalala sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa darating na linggo dahil inaasahang mas marami pang interzonal at intrazonal movements sa bansa.
Matatandaang mula nang isailalim sa Alert Level 1 ang ilang lugar sa bansa, naging mas maluwag ang paggalaw ng mga tao.
Kung tutuusin, tila back to normal na ang sitwasyon, lalo pa’t marami nang balik-trabaho at nakakapamasyal. ‘Yung nga lang, naging dahilan ito para muling makapambiktima ang mga kawatan, kumbaga, back to normal na rin ang mga raket nila. Bagay na nakakabahala dahil kung magpapatuloy ito, mas maraming mabibiktima at mapeperhuwisyo.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, bantayang mabuti ang mga pampublikong lugar, anumang panahon ‘yan.
Nar’yan lang ang mga kawatan at nag-aabang ng mabibiktima.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments