top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga punong barangay, dapat tutok sa trabaho, hindi sa kampanya!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 23, 2022
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | February 23, 2022



Sa gitna ng kampanya para sa nasyonal na posisyon, nagbigay-paalala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na ipinagbabawal sa mga opisyal ng barangay na mag-endorso ng mga kandidato.


Ang paalala ay matapos makatanggap ng mga sumbong na may mga opisyal ng barangay na umano’y lantaran ang pag-endorso sa mga kandidato.


Paglilinaw ng opisyal, tanging Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga mambabatas, mayors at vice mayors ang maaaring mag-endorso ng mga kandidato. Binigyang-diin nito na kailangang maging ‘apolitical’ ang mga opisyal ng barangay at walang karapatang mag-endorso ng mga kandidato, alinsunod sa Omnibus Election Code.


Gayundin, hindi maaaring sumama ang mga barangay chairman sa mga campaign activities ng national candidates dahil maaaring kasuhan ang mga ito.


Tungkulin aniya ng barangay officials na siguraduhing sumusunod sa kanilang regulasyon ang mga kandidato at hindi gagawa ng gulo sa kanilang nasasakupan.


Sakaling may magreklamo at mapatunayan ang akusasyon, posible umanong kasuhan ang mga barangay chairman.


Habang abala ang mga nag-aasam na maupo sa nasyonal na posisyon sa kani-kanilang kampanya, tama lang na maging abala naman ang mga opsiyal na barangay sa kanilang tungkulin sa nasasakupan.


Kung may napupusuan kayong kandidato, hindi na ito kailangang iendorso sa mamamayan, ‘ika nga, may kani-kanyang pambato ang bawat isa at karapatan nilang mamili ng iboboto.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page