Mga pulis, nakakalimot na naman sa sinumpaang tungkulin
@Editorial | August 14, 2023
Sang-ayon tayo sa apela ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipatupad ang kamay na bakay sa pambansang pulisya sa gitna ng mga kaso ng impunity at posibleng kalupitan.
Sa pamamagitan nito, may pag-asa pang makalikha ng fear factor o takot sa mga pulis na pasaway.
Nakapanlulumo na halos sunud-sunod na naman ang kasong kinasasangkutan ng mga parak.
Mula sa ilegal na droga, raid na parang akyat-bahay ang galawan, hulidap at iba pang krimen.
Ang pinakahuli ang insidente sa Navotas kung saan anim na pulis ang sangkot sa pagkamatay ng isang 17-anyos na binatilyo na napagkamalang suspek.
Bagama’t nangako naman ang Philippine National Police na hindi nila pagtatakpan ang naturang kaso dahil sasailalim sa imbestigasyon ang mga sangkot na pulis, umaasa tayo na may mananagot at hindi na mauulit ang kapabayaan.
Hindi pa nga tuluyang nalilinis ang hanay ng kapulisan, nasa hot seat na naman sila. Tila totoo nga ang hirit pa ng VACC na wala silang takot sa Pangulo. Ang nangyayari, ang publiko na ang natatakot sa mga pulis. Silang inaasahang tagapangalaga at tagapagtanggol, sila pala ang bibiktima.
Pero, hindi natin nilalahat dahil naniniwala tayo na mas marami pa ring pulis ang tapat sa serbisyo at buwis-buhay para sa kapwa at bayan.
Sadyang may iilang pasaway at bulok na nanghahawa. Sila ang dapat na alisin at parusahan.
Marahil ay kailangan pang mas paigtingin ang moral evaluation at anger management training sa PNP.



Comments