top of page

Mga pulis na sangkot sa hulidap, sibak agad!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 6, 2023
  • 2 min read

@Editorial | June 06, 2023



Pitong pulis sa Angeles City, Pampanga ang dinisarmahan at sinibak na sa puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ‘hulidap’ o ilegal na pag-aresto at pangingikil.

Ayon sa Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), inaresto ang komandante, 2 imbestigador, at 4 na intelligence operatives ng Angeles City Police Station 2. Pinagdadampot sila sa kanila mismong himpilan.

Una nang nakatanggap ng sumbong ang mga awtoridad na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station na hinihingan umano ng pera ng mga tauhan nito.

Sa random inspection ng IMEG at iba pang unit ng PNP, napag-alamang may 13 katao sa Angeles City Police Station 2 na nakakulong pa rin kahit walang kasong isinampa laban sa kanila.


Ang unang tanong, bakit aarestuhin ang isang tao pero hindi sasampahan ng kaso? Sa ganyang siste, nangangamoy areglo at tawaran portion.

Hindi na bago ang modus na ‘hulidap’. Ilang pulis na rin ang nahuli sa ganyang gawain. May ibang insidente na umaabot pa sa pang-aabuso at pag-torture.

Nakapanlulumo dahil ang mga nasasangkot ay ang mga inaasahan nating magbibigay sana ng proteksyon sa mamamayan.

Kaya dapat lang na magsagawa ng mga inspeksyon ang PNP sa lahat ng mga custodial facility nito sa buong Pilipinas upang maiwasang maulit ang insidente.

Kung may mga parak na sangkot sa hulidap at iba pang ilegal na gawain, sibakin agad.

Mainam din kung papatawan ng mabigat na parusa ang kanilang mga opisyal dahil hindi sila binabantayan.

Sa panahon na laganap ang krimen at modus operandi, sino pa ang aasahan ng taumbayan kung mismong mga alagad ng batas ang nambibiktima?

Panawagan sa pamunuan ng kapulisan, pagsisipain na ang mga bulok sa inyong hanay para hindi na makapanghawa pa ng iba.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page