Mga pulis na huli sa pamemeke ng RT-PCR result, kastiguhin!
ni Ryan Sison - @Boses | July 14, 2021
“Zero tolerance” ang Philippine National Police (PNP) pagdating sa katiwalian ng kanilang mga kabaro, lalo na kung nakasalalay ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang paninindigan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, matapos mahuli ang walong pulis ng PRO Bangsamoro Autonomous Region sa pamemeke ng kanilang swab test sa pagpasok sa Zamboanga City. Kaugnay nito, sasampahan ng kasong administratibo ang naturang mga pulis.
Base sa ulat, nagpresinta ng negatibong RT-PCR test ang walong pulis na galing sa Isabela at Lamitan, Basilan nang dumating sa Zamboanga City noong Hulyo 5.
Nang sitahin ng local health officials sa Zamboanga port ang mga pulis, lumabas sa beripikasyon na peke ang resulta ng kanilang COVID-19 test.
Dahil dito, pinagmulta at isinailalim sa swab test ang mga nasabing pulis bago pinabalik sa kanilang port of origin.
Gayunman, nahaharap ang mga ito sa paglabag sa Section 9, Paragraph B (Tampering of records or intentionally providing misinformation) of Republic Act 11332 or the Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Mula nang i-require ang pagpipresinta ng negatibong RT-PCR test sa pagpasok sa mga probinsiya, problema na ang pamemeke ng ilang biyahero.
At ngayong pulis pa ang sangkot sa ganitong insidente, talagang nakadidismaya.
Sa totoo lang, sila ang dapat nangunguna sa pagpapatupad at pagsunod sa mga umiiral na panuntunan, pero anyare, bakit tila sila pa ang pasimuno sa paglabag?
Pakiusap sa mga kinauukulan, habang tinitiyak na naparurusahan ang ordinaryong mamamayan na lumalabag, siguraduhing hindi exempted sa parusa ang mga alagad ng batas.
Patunayan ninyong walang pinipili ang batas at nananagot ang mga dapat managot.
Tandaan na kaligtasan pa rin ng publiko ang pinag-uusapan dito at tungkulin ng kapulisan na protektahan ang taumbayan at hindi ang bigyan ng panibagong pangamba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments