Mga pulis na holdaper, kahihiyan sa uniporme

by Info @Editorial | November 20, 2026

Nakakagalit at nakakadismaya na ang mga taong inaasahang magpoprotekta sa mamamayan ay sila pa mismo ang nasasangkot sa krimen.
Ito ang nakababahalang larawan ng kapulisan matapos mabunyag ang pagkakasangkot umano ng ilang pulis sa panghoholdap sa isang alahero sa Caloocan City.
Sa halip na maging tagapagtanggol ng batas, sila pa ang nagiging dahilan upang matakot at mawalan ng tiwala ang publiko sa mga alagad ng batas.
Hindi biro ang ganitong insidente. Kung ang mismong nagpapatupad ng batas ang pinaghihinalaang lumalabag dito, paano pa makaaasa ang mamamayan sa kanilang proteksiyon?
Dapat masusing imbestigahan ang kaso at tiyaking mapapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot. Hindi sapat ang simpleng pagsibak sa serbisyo kung may nagawang krimen. Dapat ding harapin ang kaukulang kasong kriminal.
Hindi rin makatarungang madungisan ang pangalan ng matitinong pulis dahil sa iilang tiwali. Kaya kailangang maging mahigpit ang Philippine National Police (PNP) sa paglilinis ng sariling hanay.
Kung nais ng PNP na mapanatili ang tiwala ng publiko, dapat nitong patunayang walang pinoprotektahan at walang pinagtatakpang abusadong pulis.



Comments