Mga programa kontra iregularidad, ipatupad sa bawat barangay
@Editorial | November 3, 2023
Opisyal nang nagtapos ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 kaya umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magiging katuwang nito ang mga nanalong kandidato sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa buong bansa.
Kaya rin umano naging matagumpay at mapayapa ang katatapos na BSKE noong Oktubre 30 ay dahil sa pakikipagtulungan ng publiko sa mga ahensya ng gobyerno.
Pinaliwanag ng AFP na kasama sa responsibilidad ng mga nanalo ay ang pagsilbihan ang kanilang nasasakupan at tiyakin ang kaligtasan ng mga tao.
Magsagawa rin sana ng programa ang mga barangay na makakatulong sa pagpigil ng mga ilegal na gawain.
Sa tagal nang hindi tayo nakapagdaos ng halalan, sana naman ay may “K” ang mga binoto nating kandidato.
Batid naman natin na napakahalaga ng maayos at ligtas na barangay, kaya sana ay magampanan ng mga nanalong opisyal ang kanilang mga responsibilidad at makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno.
At bilang mamamayan, maging disiplinado rin tayo sa ating sarili at umiwas na masangkot sa gulo.
Malaki ang ambag ng pagkakaroon ng maayos at mapayapang komunidad sa pag-unlad ng ating bansa.



Comments