top of page
Search
  • BULGAR

Mga presong tinatamaan ng TB, dumarami

ni Ryan Sison @Boses | April 23, 2024





DAHIL sa kinakitaan ng sintomas ng tuberculosis (TB), isinasailalim na sa masusing medical check-up ang mahigit 400 persons deprived of Liberty (PDL) sa Pasay City Jail.


Ayon sa warden ng naturang city jail, lumabas sa resulta sa isinagawang X-ray sa mga inmate na nagkaroon ang mga ito ng sintomas ng TB, subalit ang naging findings sa kanila ay hindi pa conclusive.  


Sa kasalukuyan ay nakahiwalay o naka-isolate na ang mga PDL para hindi na sila makahawa pa ng nasabing sakit.


Gayundin, ang pagsasailalim sa mga inmate sa medical check-up ay para matukoy kung sila ay positibo sa TB at kung kinakailangan pa nila ng gamutan laban sa TB.


Ang tuberculosis ay isang nakakahawang sakit na kadalasang nakakaapekto sa ating baga at sanhi ng isang uri ng bacteria. Kumakalat ito sa hangin kapag umuubo, bumahin o dumura ang mga taong infected. 


Mabuti at agad na nalaman ang kalagayan ng mga naturang inmate, kung saan marami sa kanila ay nagkakaroon na ng TB.


At dahil mabilis itong kumalat at makahawa, lalo na kapag na-expose at napasama sa karamihan, dapat lang na isolate ang sinumang infected ng sakit.


May mga treatment naman para rito na ibinibigay ang Department of Health (DOH), ito ang tinatawag na TB DOTS, upang sakali mang tamaan ng nasabing sakit ay madaling magagamot at malulunasan, at hindi na lumala pa.


Kapag kasi napabayaan ito at hindi nagamot agad ay maaaring humantong sa kamatayan.


Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay magsagawa na rin sila ng mga medical check-up sa lahat ng ating city jail, kulungan at iba pang katulad nito, para naman masuri ang kalusugan ng ating mga inmate. Marami na rin kasi sa kanila ang nagkakasakit dahil sa congested at nagsisiksikan sa loob ng mga selda. Isipin sana natin na kailangan silang pag-ukulan ng pansin at bigyan ng tulong dahil miyembro pa rin naman sila ng ating lipunan.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page