Mga polisiya sa no contact apprehension, linawin muna!
ni Ryan Sison - @Boses | August 12, 2022
Dahil sa mga reklamo ng mga motorista at public utility vehicle operators, inutusan ng Land Transportation Office (LTO) ang ilang local government units na suspindehin ang pagpapatupad ng no contact apprehension policy (NCAP).
Ayon kay LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, nagrereklamo ang mga PUV operator dahil obligado silang magbayad ng mga multa ng traffic violation ng kanilang mga drayber.
Sa ilalim kasi ng polisiya, ang mga rehistradong may-ari ng sasakyan ang dapat magbayad sa traffic violation dahil sa command responsibility at dahil sila rin umano ang nagmamaneho nito.
Giit ng opisyal, may kakulangan sa polisiya at kailangan itong repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang managot sa paglabag.
Ilan sa mga nagpapatupad ng NCAP ang Manila City, Parañaque City, Quezon City at Valenzuela City, kaya inabisuhan ng opisyal ang mga LGU na makipag-ugnayan sa kanilang ahensya at plantsahin ang mga alituntunin nito.
Unang umapela ang grupo ng mga operators sa Department of Transportation (DOTr) at iba pang opisina na payagan silang ilipat ang ownership sa mga sasakyang hindi na nila pagmamay-ari dahil sa mga naturang isyu.
Maganda ang layunin ng NCAP na madisiplina at sumunod sa batas-trapiko ang mga motorista, gayundin, para iwas-kotong, pero kung ang ending naman nito ay walang katapusang sakit ng ulo at perwisyo para sa mga car owners, baka dapat muna itong pag-aralan at repasuhin. Kumbaga, dapat win-win sa mga naninita at motorista.
Sa pagpapatupad ng polisiya, ‘wag nating kalimutan na dapat itong maging malinaw para patas sa lahat at maiwasan ang kalituhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments