Mga Pinoy, yari sa utang na iiwan ni P-Digong
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 26, 2022
ANG HINDI KAGANDAHAN SA DUTERTE GOV'T., IBINAON SA UTANG ANG 'PINAS, TAPOS MGA PINOY PAHIHIRAPANG MAGBAYAD – Hiniling ng DOF (Dept. of Finance) sa bagong administrasyon ni incoming Pres. Bongbong Marcos na tanggalin ang mga VAT (value added tax) exemption sa ilang produkto sa bansa, kabilang ang sa gamot para raw makalikom ng pambayad-utang sa mga financial institution sa mundo.
'Yan ang hindi kagandahan sa gobyerno ni P-Duterte, utang nang utang, ibinaon nang husto sa utang ang Pilipinas kaya pumalo na sa higit P13 trilyon ang utang ng 'Pinas, tapos ang pahihirapang magbayad ay ang sambayanang Pinoy, tsk!
◘◘◘
IPAGDASAL NATIN NA HUWAG MATULAD ANG 'PINAS SA SRI LANKA NA NABANGKAROTE DAHIL BAON SA UTANG – Sa mga hindi nakakaalam, hindi maganda sa isang bansa na baon sa utang, at isang halimbawa d'yan ang nangyari sa Sri Lanka, na dahil baon sa utang ay nabangkarote ang pamahalaan na nagdulot para magsara ang mga negosyo, maraming nawalan ng hanapbuhay, nagkaroon na ng food shortage at halos wala nang bumibiyaheng public transport.
Ipagdasal na lang natin, mga kababayan, na ang nangyayari ngayon sa Sri Lanka, ay huwag mangyari sa Pilipinas, amen!
◘◘◘
POLITICAL DYNASTY HINDI MAITUTURING NA PAGMAMAHAL SA BAYAN, KUNDI PAGKAGAHAMAN SA KAPANGYARIHAN – Karamihan sa mga nagwagi sa nakalipas na halalan ay mula sa angkan ng mga pulitiko.
Sa totoo lang, kapag mga trapo (traditional politicians) na may political dynasty ang sabay-sabay na kumandidato sa iba't ibang posisyon sa pamahalaan, hindi na matatawag na pagmamahal sa bayan at mamamayan ang kanilang hangad, kundi pagkagahaman sa kapangyarihan, period!
◘◘◘
HINDI LANG SI HARRY ROQUE, KASI PATI SI PING LACSON NAGPAPANSIN NA KAY BBM – Para sa talunang presidential candidate, outgoing Sen. Ping Lacson ay competent daw ang lahat ng mga inia-appoint ni incoming Pres. Bongbong Marcos sa kanyang gabinete.
Tila tulad ni talunang senatorial candidate, former spokesman Harry Roque na panay papansin ngayon kay BBM, ay nagpapapansin na rin si Lacson sa hangad na magkaroon din ng puwesto sa Marcos gov't., boom!





Comments