Mga Pinoy, nakakalimot na sa disiplina, anyare?
- BULGAR
- Dec 27, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 27, 2021
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang maapektuhan ng COVID-19 pandemic ang bansa, sa wakas ay maluwag nating ipinagdiwang ang Kapaskuhan ngayong taon.
Matatandaang pinayagan ang pagdaraos ng Christmas party sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2, gayundin, bukas ang mga pasyalan na karaniwang dinaragsa ng ating mga kababayan tuwing holiday season. Pero ang tanong, kumusta naman kaya?
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ‘generally peaceful’ o mapayapa ang selebrasyon ng Pasko ngayong taon.
Tulad ng inaasahan, muling dinagsa ang mga pasyalan, partikular ang mga parke at isa na rito ang Rizal Park sa Maynila. Pami-pamilya ang pumunta sa parke, kasama ang kanilang mga anak at base sa rekord ng mga guwardiya, nasa 170,000 ang taong namasyal sa parke noong Pasko.
‘Yun nga lang, tulad ng mga nakaraang taon, hindi naiwasan ng mga dumagsa na mag-iwan ng basura sa Rizal Park, bagaman hindi ito tulad ng mga Pasko noong wala pang pandemya na gabundok ang mga naiipon na basura.
Ilan sa mga naipong basura ay mga plastik, bote, gamit na facemask at tirang pagkain na nagdulot ng masangsang na amoy sa ilang parte ng parke.
Habang wala pang naitatala ang lokal na pamahalaan kung ilang toneladang basura ang naiwan sa pasyalan, patuloy umano ang pagkuha ng mga tagalinis sa napupuno na basurahan.
Hindi na bago ang tambak na basura tuwing may ganitong selebrasyon, pero sa totoo lang, nakakadismaya dahil patuloy itong nangyayari. Kumbaga, parang hindi na tayo natututo at inaasa na lang sa mga trabahador ng pasyalan ang ating mga kalat.
Kaya tulad ng palagi nating paalala, ‘wag kalimutan ang disiplina saanman pumunta.
May parating pang mga selebrasyon at sana naman ay maiwasan na ang mga ganitong kalat.
Kung kaya nating bitbitin palabas ng pasyalan, gawin na. Kung tutuusin, kaunting tulong lang ito sa mga tagalinis ng parke, pero malaking bagay para sa kanila dahil bawas-trabaho.
Tandaan, kaakibat ng pamamasyal natin ay ang obligasyong maging responsable sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments