top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mga Pinoy, mas may ‘K’ sa proteksyon ng kapulisan kesa sa mga dayuhan at POGO operators!

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 10, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 10, 2022


Kinuwestyon ng mga senador ang deployment ng mga tauhan ng Philippine National Security and Protection Group (PNP-PSPG) sa mga dayuhan na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry.


Ilang senador ang nagpahayag ng pagkadismaya at pagkainis matapos mapag-alaman na halos 300 kapulisan ang nagbibigay-proteksyon sa mga pribadong indibidwal, kung saan karamihan ay mga Chinese nationals.


Depensa naman ni PNP chief Rodolfo Azurin, Jr., ipinasuri muna ang indibidwal bago bigyan ng police security makaraang humingi ang mga ito ng tulong mula sa PNP-PSPG upang matiyak ang seguridad habang nasa bansa.


Dahil dito, agad na ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, na itigil ang pagbibigay ng police security detail sa mga dayuhan na nagtatrabaho sa sa bansa.


Naninindigan ang kalihim na ang mamamayan ng bansa ang dapat bantayan ng mga pulis at hindi ang mga dayuhan na operator ng POGO.


Samantala, pinag-aaralan na umano ng PNP ang polisiya hinggil sa pagbibigay ng personal security ang mga naturang dayuhan.


Marahil ay ngayon lamang nabunyag ang ganitong gawain, at maging ang mga senador ay hindi na naitago ang pagkainis.


Sa totoo lang, nakakadismaya dahil imbes na mga Pilipino ang pinoprotektahan, eh, ‘yun pang mga dayuhan ang nakikinabang sa puwersa ng kapulisan.


Batid nating taumbayan ang nagpapasahod sa mga pulis, kaya dapat lamang na ang ating mga kababayan ang pinagsisilbihan at hindi ang mga dayuhan.


Kung tutuusin, mas kailangan ng mga Pilipino ang proteksyon ng kapulisan laban sa iba’t ibang krimen sa bansa.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, pag-aralan at imbestigahan ang polisiyang ito.


Hindi biro ang buwis na binabayaran ng bawat Pilipino, kaya utang na loob, gamitin n’yo sa tama ang mga ito at tiyaking ang mga may tunay na ‘K’ ang nakikinabang dito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page