Mga Pinoy, mapapalaban na naman sa taas-pasahe, budget pa more!
@Editorial | Pebrero 2, 2023
Naghain na ang Metro Manila Transit Line 3 (MRT-3) ng petisyon para sa taas-pasahe sa Rail Regulatory Unit ng Department of Transportation (DOTr).
Nakasaad sa petisyon ang dagdag na mula P4 hanggang P6.
Sakaling maaprubahan, ang maximum na singil mula North Avenue station patungong Taft Avenue ay magiging P34 na mula sa dating P28.
Ang dahilan ng MRT-3 sa nasabing petisyon ay ang kakulangan umano ng kita.
Kaugnay nito, magsasagawa naman ng public consultation ang DOTr sa darating na Pebrero 17 ukol sa nasabing usapin.
Kung maaaprubahan ang petisyon, aaray na naman ang mga komyuter. Wala namang magagawa kundi ang mag-adjust ng budget. Sa ngayon, ang pagsakay sa tren ang isa sa masasabing pinakamainam na transportasyon dahil iwas sa malalang trapik.
Ang pakiusap lang sa kinauukulan, pag-aralang mabuti ang petisyon at pakinggan ang saloobin ng bawat apektado sa usapin.
Talagang sinusubok ang pasensya at galing sa pagba-budget ng mga Pinoy. Hindi pa nga natitigil ang taas-presyo sa mga agri products at sa petrolyo, ito naman ang dagdag-singil sa pasahe.
Hamon sa mga opisyal ng gobyerno, mag-isip pa ng ibang paraan para makasabay sa sitwasyon.
Sa palagay natin, ang dagdag-kabuhayan ang higit na makakatulong sa gitna ng walang tigil at kaliwa’t kanang taas-presyo.
Mas palawakin pa sana ang pagnenegosyo at bigyan ng pagkakataon ang lahat na matuto nito.
Sa panahon ngayon, kailangan talaga ng doble-sikap, diskarte at higit sa lahat, pananalig sa Diyos.



Comments