top of page

Mga Pinoy likas na sugarol, kaya patok sa socmed ang kampanyahan

  • BULGAR
  • Apr 26, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | April 26, 2022


TAPOS na ang eleksyon.

May nanalo na raw po.


Ito ang kantiyaw ng mga llamadista.


◘◘◘


SA sabong, hindi lahat ng llamado ay nagwawagi.

Sa e-sabong, maraming llamado ang natalo pero tumabo o sumahog nang todo ang mga dehadista.

Ang resulta, pinagtutumba ang ilang sabungero.


Naramdaman kasi nila na ang “llamado” ay tiniyope.


◘◘◘


ANO ang tiyope?

Ang tiyope ay halos kasing kahulugan ng “perder” sa karera ng kabayo — rito ay natatalo rin ang mga llamado.


Sa sabong, ang manok na mahusay ay ikinakambal sa “bigating farm” at sa postura at porma ng manok kasama na ang breed.


◘◘◘


POSTURA lang ng manok ang ginagamit na batayan ng mga mananaya kaya’t pinahihina o sinasaktan o dinidiskartehan ng “taga-alaga o tagabitaw” ang llamadong manok upang matalo.


Matagal nang sindikato o mafia sa sabong ang “maniniyope” pero sila ay itinutumba matapos ang sultada.


◘◘◘


SA kabila ng “krimen sa sugal” at marahas na tradisyonal na hatol sa mga maniniyope, hindi pa rin ito nawawala sa mga sultada partikular sa “tupada” o unregulated cockfighting.


Ang horseracing ay nanghina o nalugi dahil sa isyu ng “perder” kung saan pinatatalo ng hinete o sota (taga-alaga ng kabayo) ang mga mahuhusay na kabayo.


◘◘◘


SA ngayon, tinatalo ng e-sabong ang horseracing bilang sugal ng ordinaryong tao.


Sa eleksyon, mahirap ihambing o ikumpara ang magiging resulta ng eleksyon kaugnay ng “tiyope o perder” sapagkat ang lahat ng kampo ay nagtatangkang magwagi.


◘◘◘


ANG premyo sa sabong at horseracing ay dambuhalang cash, pero sa eleksyon ang premyo ay unlimited cash, resources, power, popularidad, emosyon, kasaysayan at isang buong burukrasya, teritoryo at mamamayan ng isang bansa.


Ang eleksyon ay isang sugal, marami ring llamado ang nasisilat, pero marami ring llamado ang dumiretso sa pagwawagi patungo sa Malacañang.


◘◘◘


LIKAS na sugarol ang mga Pinoy — 'yan ang dahilan kung bakit patok sa social media ang content tungkol sa kampanyahan.


Kung may tiyope man sa eleksyon o perderan, ito ay hindi makikita sa mga paboritong kandidato, mas lumilitaw ito kapag kinaliskisan mo ang pagkilos ng mga naiiwanan sa resulta ng mga survey.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page