top of page
Search
  • BULGAR

Mga Pinoy, kinukuryente, nilalatigo at ginagawang scammer abroad, sagipin

@Editorial | September 23, 2023


Nakababahala ang ulat na ilang Pinoy na pinangakuan ng trabaho sa call center sa ibang bansa ang nauwi sa pagiging online scammer at inaabuso pa.


Napag-alaman na ilang overseas Filipino workers (OFWs) ang inaalok ng malaking sahod sa Thailand subalit dinadala sa Myanmar para gawing scammer. Kapag hindi naka-quota sa rami ng dapat mabiktima ay pinarurusahan pa.


Sa panayam sa kaanak ng mga biktima, aabot umano sa mahigit P50,000 kada buwan ang alok na kita sa pagiging call center agent sa Thailand at bukod pa ang makukuhang komisyon. Gayunman, ang pangakong trabaho ay hindi nangyari. Sa halip, ang mga biktima ay isinakay sa bangka saka dinala sa Myanmar para gumawa ng ilegal.


Kapag naka-invest na ng buong pera ang biktima, sa kumpanya na umano ito napupunta.


Kapag hindi nakuha ang quota, pinaparusahan daw ang mga ito sa tinatawag na “penalty room” at “black room”, kung saan sila pinoposasan, kinukuryente at nilalatigo bago pakainin.


Makaaalis lang umano ang mga biktima kung magbabayad o magbibigay ng tinatawag na “blood money”.

Kaya panawagan sa gobyerno, masagip sana ang mga kababayan nating nabiktima ng ganyang gawain. Higit sa lahat, mas paigtingin ang pagbabantay laban sa mga illegal recruiter. Dito pa lang sa atin ay pigilan na ang posibleng pananamantala.


Sa atin namang mga naghahanap ng trabaho, partikular sa ibang bansa, doblehin ang ingat at maging wais. Isa sa mga dapat tandaan na “red flag” sa illegal recruitment ay ‘yung sasabihin na papasok ka sa ibang bansa bilang turista at hindi empleyado sabay alok ng malaking suweldo.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page