Mga Pinoy, hindi na naniniwala sa mga survey firm
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 20, 2022
KATAKUT-TAKOT NA PAMBA-BASH TALAGA ANG ABUTIN NG MGA SURVEY FIRMS KAPAG SINABI NILANG GOOD PERFORMANCE SI P-DUTERTE SA PAGTUGON SA COVID-19–Karaniwan, kapag naglabas ng survey ang Pulse Asia, sinusundan ito ng survey ng SWS, Publicus at OCTA, pero kapuna-puna na matapos maglabas ng survey ang Pulse Asia noong Dec. 30, 2021 ng mataas na performance rating ni P-Duterte, hanggang ngayon ay hindi pa naglalabas ng kanilang survey ang SWS, Publicus at OCTA tungkol sa rating ng pangulo.
Marahil, alam ng SWS, Publicus at OCTA na katakut-takot na pamba-bash mula sa netizens ang kanilang aabutin kapag minarkahan nila ng high performance rating si P-Duterte.
Isipin mo, napakaraming tinamataan ng COVID-19 ngayon dahil sa kapalpakan ng administrasyon, tapos mamarkahan nila ng good performance? Tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MAYORYANG PINOY, HINDI NA NANINIWALA SA MGA SURVEY FIRMS–Sa totoo lang, mayoryang Pinoy ay hindi na naniniwala sa mga inilalabas na survey ng Pulse Asia, SWS, Publicus at OCTA na good performance ang Duterte gov’t. sa pagtugon sa laban sa COVID-19.
Mantakin n’yo, sa 222 bansa at teritoryo sa buong mundo ay pasok sa Top 20 ang Pilipinas sa pinakamaraming tinatamaan ng COVID-19, sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) ay number 1 naman ang ‘Pinas sa may pinakamaraming active cases at sa Western Pacific Region (WPR) ay number 1 pa rin ang Pilipinas sa dami ng nagka-virus at namatay sa COVID-19, tapos ang marka ng mga survey firms sa response ng Duterte gov’t. sa laban sa COVID-19 ay “very good”? Kalokohan!
◘◘◘
PALPAK ANG DESISYON NG DUTERTE GOV’T. NA ILAGAY SA RED LIST ANG SAUDI ARABIA–Kamakalawa ay 37,070 ang tinamaan ng COVID sa ‘Pinas, samantalang, 5, 505 lang ang tinamaan ng virus sa Saudi Arabia, at sa datos ng Worldometer Statistics ay 3, 242, 374 na ang COVID cases sa Pilipinas, at 620, 935 lang ang COVID-19 cases sa Saudi, at sa record naman ng total deaths sa COVID-19 ay 52, 929 na ang nasawi sa Philippines, at sa Saudi naman ay 8, 908 lamang.
Dapat alisin na ng Duterte gov’t. sa red list ang Saudi Arabia kasi kung pagbabasehan ang datos sa Worldometer Statistics, palpak talaga na isailalim ng Duterte gov’t. sa travel ban ang Saudi, period!





Comments