Mga Pinoy ba o tsekwa ang makikinabang sa pagka-VP ni P-Digong?
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 13, 2021
TATAKBO SI P-DUTERTE SA PAGKA-VP PARA PROTEKTAHAN ANG MGA MANGINGISDANG TSEKWA AT POGO OPERATORS?—Pinutakti na naman ng batikos ng publiko si Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa kanyang sinabi na kaya tatakbong bise-presidente si P-Duterte ay para protektahan ang mga Pilipino.
Batikos talaga ang aabutin ni Panelo kasi isang uri ng “pang-uunggoy” sa publiko ang kanyang sinabi dahil alam ng mga Pilipino na hindi Pinoy ang pinuprotektahan ni P-Duterte, kundi ang mga Chinese na nangingisda sa West Philippine Sea (WPS) at Chinese na nag-o-operate ng mga pasugalang POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa Pilipinas, period!
◘◘◘
MAS MAY “BALLS” PA PALA SI EX-P-NOY KAYSA KAY P-DIGONG—Noong si ex-P-Noy Aquino pa ang pangulo ng bansa ay ipinahuhuli niya ang mga Chinese kapag pumasok sa West PH Sea para mangisda at katunayan, noong August 5, 2014 ay 12 Chinese fishermen ang hinatulan ng Palawan Regional Court na makulong ng anim hanggang 12-taong pagkakabilanggo dahil sa illegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas, pero nang maging pangulo na si P-Duterte ay naging malaya na ang mga ‘yan na mangisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ang katuwiran ni P-Duterte, kaya hindi niya magawang ipahuli ang mga Chinese na nangingisda sa Pilipinas ay baka giyerahin daw ng China ang Philippines.
Dahil d’yan ay lumalabas na mas may “balls” pa pala si P-Noy kaysa kay P-Digong, boom!
◘◘◘
HINDI PALA KASAMA ANG ‘PERYA NG BAYAN’-CON JUETENG SA PINAYAGAN NI P-DUTERTE NA MAG-OPERATE—Bagama’t pinayagan ni P-Duterte na mag-operate ang mga POGO at iba pang pasugalan para makalikom ng pondo ang pamahalaan ay hindi pala kasama sa pinayagang mag-operate ang “Perya ng Bayan”-con jueteng na ipinatigil ng pangulo ang operasyon noong August 6, 2019.
Kung ganu’n, illegal pala ang operasyon ng “Perya ng Bayan”-con jueteng, pero bakit namamayagpag ang ganitong uri ng pasugal nina “John Yap”, “Manalac” at “Renel” sa Cavite at Rizal; at “Mat”, “Fajardo” at “Chito” sa Pangasinan?
Dapat kuwestiyunin ni Department of Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sina Cavite Gov. Jonvic Remulla, Rizal Gov. Rebecca Ynares at Pangasinan Gov. Amado Espino III kung bakit “nganga” lang sila sa operasyon ng mga “Perya ng Bayan”-con jueteng sa kanilang mga jurisdiction, period!





Comments