top of page
WINNER - ALEX, INILANTAD NA ANG PAGBUBUNTIS-IG _cathygonzaga.jpg

Mga Pinay, Top 4 sa pinakamagagandang babae sa Asya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 24, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 24, 2024


Boses by Ryan Sison


Kilala ang Pilipinas sa mayamang kultura at heritage, mga nakamamanghang beach, pagtataglay ng mga masasarap na pagkain at mga palakaibigang indibidwal.


Pero, ang nakatutuwa ay maituring ang ‘Pinas, mula sa isang survey, na kabilang sa mga nangungunang bansa na may pinakamagagandang kababaihan sa Asya.


Nasungkit kasi ng Pilipinas ang No. 4 spot na “20 Countries with the Most Beautiful Women in Asia” na inilabas ng financial website na Insider Monkey.


Batay sa report, nakakuha ang ‘Pinas ng score na 0.85, dahil kilala ang bansa sa magagandang Pinay na may kakaibang halo ng Asian at Spanish features.


Lumalabas naman ang South Korea na nanguna sa listahan, kung saan nagiging karaniwan ang plastic surgery sa naturang bansa, habang halos isa sa limang kababaihan ang sumasailalim sa ilang pamamaraan ng pagpapaganda o beauty enhancement procedure, ayon sa report.


Ayon pa sa Insider Monkey, pinagsama-sama ng pag-aaral ang mga score mula sa iba’t ibang sources gamit ang tinatawag na “consensus driven approach” para matukoy ang rankings. Ang mga bansa ay naiskor sa scale kung saan nakakuha ang pinakamaganda ng marka o score na 1.


Ang top 20 countries na may pinakamagandang kababaihan sa Asya ay South Korea, Japan, Vietnam, Pilipinas, Iran, Malaysia, India. Kasunod ang China, Singapore, Thailand, Indonesia, Hong Kong, Macau, Bhutan, Taiwan, Kazakhstan, Sri Lanka, Pakistan, Myanmar at Laos.


Ang ganda ng mga Pinay ay tunay na nakabibighani at kaiga-igayang tingnan. 

‘Ika nga talagang sila’y marikit kung ikukumpara sa ibang lahi dahil nagre-reflect ang kanilang kagandahan mula sa kabutihan ng kanilang kalooban at likas na kabaitan.


Bukod pa rito, nagdaragdag ang pagiging masayahin ng ating mga kababaihan sa kanilang ganda dahil lagi silang may ngiti sa kanilang mga labi, sa kabila ng mga alalahanin sa buhay.


At siyempre, hindi lamang kinikilala sa kanilang pisikal na kagandahan, kundi maging sa kanilang talento at mga nagawa sa iba’t ibang larangan.


Hiling lang sa ating mga kababaihan na sana ay ipagpatuloy ang pagiging mayumi, mabait at may kababaang-loob na mga kakaibang katangiang meron ang mga Pilipina na talagang maipagmamalaki natin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page