top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga pekeng gamot, naglipana, bumili sa mga lisensyadong botika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 3, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 3, 2024



Boses by Ryan Sison


Upang hindi mabiktima ng mga naglipana na mga pekeng gamot dapat na bumili na lamang sa mga lisensyadong botika o lehitimong mga pharmacy.


Ito ang naging payo ng Food and Drug Administration (FDA) sa publiko hinggil sa pagbili at paggamit ng gamot, kung saan ang mga pangalan ng tatak na may pekeng bersyon ay Ibuprofen (Medicol® Advance) 200 mg Softgel Capsule; Phenylephrine Hydrochloride + Chlorphenamine Maleate + Paracetamol (Bioflu®) 10mg/ 2mg/ 500mg Tablet; Dextromethorphan Hydrobromide + Phenylpropanolamine Hydrochloride + Paracetamol (Tuseran® Forte) (Reformulated) 15 mg/25mg/325mg Capsule.


Pinapayuhan din ng FDA ang lahat ng healthcare professionals na ang mga beripikadong pekeng gamot na nagkalat at madaling mabili sa merkado ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at pinsala sa mga gagamit nito.


Binalaan naman ng kagawaran ang mga establisimyento na huwag magbenta ng mga pekeng gamot na nagtataglay ng mga ganoong katangian o kagaya ng mga nabanggit. 


Ayon sa FDA, ang importasyon, pagbebenta at pamamahagi ng mga ito ay direktang paglabag sa Republic Act No. 9711 o the Food and Drug Administration Act of 2009, at Republic Act No. 8203 o the Special Law on Counterfeit Drugs. Pahayag pa ng kagawaran na ang sinumang mapatunayang nagbebenta ng naturang pekeng produkto ay mapaparusahan.


Hiniling naman ng kagawaran sa lahat ng local government units (LGUs) at law enforcement agencies (LEAs) na tiyaking ang mga pekeng produktong ito ay hindi maibebenta o magagamit sa kanilang mga nasasakupan.


Medyo nakakaalarma na mayroon palang mga over-the-counter na pekeng gamot na nagkalat na maaari nating mabili sa mga drug store.


Posible kasing mahusay ang pagkakatulad nito at gayang-gayang ang bersyon ng mga pekeng gamot sa mga tunay o legit namang gamot, kaya mahirap kilatisin. 


Marahil, tama lamang na sundin natin ang payo ng kinauukulan na bumili ng mga kailangang gamot sa mga lisensyadong botika para makasiguro tayong safe na inumin at gamitin, at makakagamot talaga sa ating mga sakit. 


Huwag na nating gustuhin na makamura kaya bibili na lang kahit saan, sa halip isipin natin na kahit medyo mahal ang gamot ay para naman ito sa ating kaligtasan. Palagi sana nating aalalahanin ang mas makabubuti sa ating kalusugan upang hindi tayo mapahamak.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page