Mga pasaway na taxi driver, i-report
ni Ryan Sison @Boses | December 19, 2023
Umaarya na naman ang mga kolorum na mga public utility vehicle (PUVs) at taxi drivers na namimili ng mga pasahero sa kanilang pagbiyahe sa tuwing Christmas rush.
Batay sa Land Transportation Office (LTO), inatasan na nila ang kanilang mga tauhan na tugisin ang mga hindi rehistradong PUVs at mga choosy cab driver na nagsusulputan sa mga lansangan.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang mga personnel ng Law Enforcement Service ng LTO ay ipapakalat sa mga mall sa Metro Manila at iba pang urban areas sa bansa para isagawa ang “Oplan PASAWAY”. Gayundin aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Highway Patrol Group at mall security para maiwasan na tanggihan ng mga taxi driver na isakay ang mga komyuter.
Sinabi ng LTO chief, madalas na dumarami ang mga reklamo laban sa mga taxi driver na tumatangging maghatid o namimili ng mga pasahero kapag ganitong holiday season.
Marami aniya, sa mga taxi driver ang nangongontrata at talagang hindi nagpapasakay kung hindi papayag sa gusto nilang presyuhan. Giit niya, mahigpit itong ipinagbabawal dahil sa paglabag ito ng kanilang prangkisa. At dahil sa rami ng mga pasahero tuwing Kapaskuhan, ito rin ang panahon na sumusulpot ang napakaraming kolorum na PUVs kaya kailangan na tutukan.
Panawagan ni Mendoza, dapat ay nakikita ng mga PUVs ang pangangailangan ng mga komyuter at hindi dapat na sinasamantala ang okasyon.
Umapela naman siya sa publiko na i-report agad sa mga otoridad kung sila man ay mabiktima ng mga pasaway na taxi driver.
Kaugnay nito, sinabi ni Mendoza na ang naturang operasyon ay inaprubahan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista habang nakipag-ugnayan na siya kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III.
Hindi madaling hanapin ang mga sakit sa ulong taxi driver na sadyang choosy sa kanilang pasahero gayundin ang mga nagkalat na mga kolorum na PUV.
Kung saan-saan kasi ang mga ‘yan na nag-iikot at pumaparada habang naghahanap ng mga pasaherong kanilang isasakay base sa presyong gusto nilang singilin sa mga ito.
Karamihan naman sa mga kolorum na PUV ay nagsusulputan sa mga matataong lugar na walang gaanong traffic officer na puwede silang matiyempuhan at hulihin.
Batid naman natin na sakripisyo talaga ang sobrang trapik sa mga driver, pero kailangan pa rin natin ang kanilang serbisyo nila lalo na ang mga komyuter.
Dapat sigurong pairalin na lang ng ating mga driver ang pagiging tapat at makatao, sa halip na isiping makapanlamang sa kapwa. Sa mga kolorum naman na mga sasakyan, iparehistro na lamang ito upang legal ang inyo pagbibiyahe, para kung sakali mang magkaroon ng hindi inaasahang aksidente ay magiging maayos ang lahat at walang anumang asunto na kakaharapin.
Paalala naman natin sa ating mga kababayan na pagtulungan natin ang mga maling sistema at isumbong ang mga ganitong klase ng gawain sa kinauukulan, hindi kasi matatapos ito kung pababayaan lamang natin ang mga ito na mambiktima ng mga kawawang pasahero, at para masampulan din ang mga pasaway na driver.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments