top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mga pasaway na menor-de-edad, sagutin ng mga magulang

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 17, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 17, 2021



“We assure the CHR and the public that it falls within our mandate to care for and protect our children. We also are fully aware of the provisions of the Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 including its amendments.”


Ito ang tiniyak ni PNP Chief General Guillermo Eleazar matapos sabihin ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi dapat arestuhin ang mga batang quarantine violators, sa halip ay dapat lamang silang pagsabihan at ibalik sa kanilang mga magulang.


Ayon pa sa opisyal, agad na makikipag-usap ang mga pulis sa mga magulang sakaling mahuli ang kanilang mga anak na lumalabag. Nakikipagtulungan na rin umano ang PNP sa DSWD sa paghawak ng mga kaso ng mga batang lumalabag sa quarantine rules.


Dagdag pa rito, sa simula pa lamang at tuwing may mga batang lumalabag sa quarantine protocols, kinakausap lamang ng kapulisan ang magulang ng mga bata upang mapangaralan ng mga ito ang kanilang mga anak.


Sa totoo lang, kapansin-pansing maraming menor-de-edad ang nagpapasaway. Tipong, kahit malinaw na bawal silang lumabas, makikitang maraming kabataan ang naglalakwatsa o naka-istambay. At kapag napagsabihan, magpapakabait kuno, pero maya-maya ay balik na naman sa galaan.


Gayunman, hindi porke sinabing hindi aarestuhin ang mga batang quarantine violators, hahayaan na lang natin silang magpasaway. Tandaan na walang pinipiling edad ang virus, kaya hangga’t maaari, bantayang maigi ang mga bata.


Bilang mga magulang o guardian, tandaan na tayo ang responsable sa bawat kilos ng ating mga anak o alaga. Gayundin, ipaunawa ang kahalagahan ng pananatili sa bahay at pagsunod sa mga umiiral na health protocols.


‘Ika nga, wala tayo sa sitwasyon na puwede tayong magparelaks-relaks, kaya pakiusap sa mga magulang, maging ehemplo rin kayo sa inyong mga anak.


Malaking tulong ito upang mas maunawaan nila na ang lahat ng paalala at hakbang na ating ginagawa ay para rin sa kanilang ikabubuti.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page