Mga pasaway na kandidato sa BSKE, lagot
- BULGAR
- Sep 11, 2023
- 1 min read
@Editorial | September 11, 2023
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at babala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sadyang may mga pasaway pa rin.
Ayon sa poll body, nasa 91 kandidato ang inisyuhan ng show cause order dahil sa umano'y paglabag tulad ng maagang pangangampanya.
Sa isang panayam kay Comelec Chairman George Garcia, sinabi nitong binibigyan ng tatlong araw ang mga kandidato na magpaliwanag kaugnay ng akusasyon.
Bagama’t, wala umanong formal na complaints, ang mga reklamo ay resulta umano ng mga nakita ng Comelec o nai-report sa ahensya. Nabatid na may kapangyarihan ang Comelec na mag-imbestiga at magsampa ng kaso laban sa mga kandidato na lalabag sa mga batas sa eleksyon.
Hinihikayat din ang publiko na magsumbong kung may mga pasaway na kandidato.
Malinaw ang kautusan na bawal ang maagang pangangampanya dahil ang campaign period ay sa Oktubre 19 pa magsisimula at matatapos sa Oktubre 28.
Kaya bawal pang magpaskil ng posters, mag-post sa social media at mamigay ng kung anu-ano na may pagpaparamdam ng pagkandidato.
Ngayon palang ay makikita na natin at dapat nating makita kung sino ang may respeto at marunong sumunod sa batas, at kung sino ang matigas ang ulo at makapal ang mukha.
Ang mahirap sa ibang kandidato, grabe kung umepal kahit 'di pa kampanyahan pero 'pag nakuha na ang inaambisyong posisyon, halos ‘di na makita kahit paramdam.
Sa katotohanang ito, sana ay natuto na ang mga botante. Piliin natin ang mga karapat-dapat na kumatawan sa ating barangay. Hangga’t pasaway at walang kakayahan ang ating ibinoboto, walang mangyayari sa ating lugar, walang pag-asenso at malamang lalo pang lulubog.



Comments