top of page
Search
BULGAR

Mga partylist na totoong nagseserbisyo, dapat papanalunin

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 20, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SEN. BONG GO ‘DI PABIDA AT ‘PAG GUMAWA NG BATAS MILYUN-MILYONG PINOY ANG NAKIKINABANG -- Tugma talaga kay Sen. Bong Go ang slogan niyang “Bisyo Magserbisyo” kasi sa kanyang mga batas ay milyun-milyong mamamayan ang nakikinabang, tulad ng “Expanded Solo Parents Act of 2022” kung saan ang mga solo parent ay mabibiyayaan ng financial assistance, 10% discount sa mga basic necessities tulad ng pagkain, micronutrient supplements, gamot, diapers, prayoridad sa mga pabahay ng pamahalaan, automatic coverage sa PhilHealth at benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.


Epektibong senador talaga si Sen. Bong Go, hindi siya pabida sa Senado, at kapag gumawa ng batas talaga namang milyun-milyong Pinoy ang nakikinabang tulad ng Malasakit Act kung kaya’t free hospitalization na sa mga public hospital, Super Health Center para naman sa free laboratory at itong Expanded Solo Parents Act, palakpakan naman diyan!


XXX


NAGSESERBISYONG DAMAYANG FILIPINO (DF) PARTYLIST, PAPANALUNIN, PERO MGA PARTYLIST NA DEDMA SA SERBISYO, IBASURA -- Ang Damayang Filipino Movement Inc. (DFMI) ay isang non-governmental organization na noon pang year 2008 dumadamay sa paghahatid serbisyo sa mahihirap na mamamayan sa komunidad, at para mas mapalawak ang serbisyo, lalahok ito sa 2025 midterm election bilang Damayang Filipino (DF) Partylist.


Sa totoo lang, kung serbisyo-publiko ang pag-uusapan ay talo pa ng DFMI ang mga partylist na may puwesto na sa Kamara kasi ang tagal na nitong nagseserbisyo sa mamamayan, 16 years na, at ‘yung mga partylist na iniluklok ng mga botante last 2022 election ay hindi ramdam ng publiko ang serbisyo.


Kaya ‘yung mga partylist na may puwesto ngayon sa Kamara pero dedma sa serbisyo ay dapat ibasura sa halalan, at itong Damayang Filipino (DF) partylist ang isa sa iluklok sa Kamara, period! 


XXX


TODO-GIBA NA GINAWA KAY VP SARA NANG MAG-TOP SIYA SA PRESIDENTIAL SURVEY -- Matapos ilabas ng Oculum Research and Analytics nu’ng August 12, 2024 ang resulta ng kanilang survey na top si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa rating na 25.4% para sa mga kakandidatong presidente sa 2028 election, nitong August 16, 2024 ay may inilabas na testigo ang mga pro-Marcos congressmen, at ito ay si detenidong former Customs operative Jimmy Guban na nagsabing sangkot daw sa shabu shipment ang mister ni VP Sara na si Atty. Mans Carpio, kapatid na si Davao Rep. Paolo Duterte at Michael Yang na kaibigan ni ex-P-Duterte.


Tila ‘yang presidential survey ang sanhi kaya may gumigiba na sa pamilya ni VP Sara, boom!


XXX


MGA NAGPAPAPOGI POINTS SA PAGKAPANALO NI CARLOS YULO BAKA MATALO DAHIL SA RAMI NG NANAY NA NAGALIT KAY CALOY -- Todo-epal ang mga politician sa pagkakapanalo ng dalawang gold medal ni Carlos Yulo sa Paris Olympics, kasi may mga pulitiko na gumawa ng ordinansang “Carlos Yulo Day”, ang Maynila tuwing Aug. 4 at may mga kongresista naman na nagsulong ng tax exemption kay Caloy.


Kung inaakala nila na makakatulong itong mga pinaggagawa nila para makapagpapogi points para manalo sila sa eleksyon, baka mali ang kanilang paniwala kasi sa rami ng nagalit kay Caloy sa kawalan ng respeto nito sa ina at tila pagtakwil sa kanyang pamilya na kahit isa ay hindi niya pinapunta sa pagbibigay parangal sa kanya sa Malacañang, ay baka iyang mga pang-eepal nila ang ikatalo pa nila sa halalan, period!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page