Mga partido labo-labo ngayong eleksyon, balimbingan na!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 3, 2022
ENDORSEMENT NI P-DUTERTE HUWAG NANG ASAHAN NINA BBM AT ISKO — Si P-Duterte na mismo ang nagsabi na wala raw siyang iendorsong kandidato sa pagka-presidente, dahil ang gusto raw niya ay neutral siya sa presidential election.
Dahil d’yan ay tuluyan nang naglaho ang inaasam-asam nina former Sen. Bongbong Marcos at Manila Mayor Isko Moreno na isa sa kanila ang susuportahan ng Presidente, period!
◘◘◘
ANG GULO NG MGA PARTIDO NGAYONG HALALANG 2022 — Ang gulo ng mga partido ng mga pulitiko ngayong halalan 2022.
Si Sen. Ping Lacson ang pambato ng Partido Reporma, pero si VP Leni Robredo ang sinuportahan ng kanyang partido; inendorso ng PDP-Laban si former Sen. Bongbong Marcos, pero ang ilang PDP-Laban members ay si VP Leni ang sinuportahan; inendorso ng NUP (National Unity Party) ang kandidatura ni BBM (Bongbong Marcos), pero ang NUP president na si Cavite 4th Dist. Rep. Elpidio Barzaga ay si VP Leni ang sinuportahan; at ang latest, ang partido ni Marcos na Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ay ang ilang miyembro nito (PFP), ay si Mayor Isko Moreno ang sinuportahan.
Sana, after election ay gumawa ng batas ang Senado at Kamara na 2 party system na lang ang ipairal sa Pilipinas, para hindi na balimbingan nang balimbingan ang mga pulitiko na miyembro ng iba't ibang partido, boom!
◘◘◘
DAHIL SA BIRD FLU OUTBREAK, BAKA MAY MGA 'BUWAYA' SA DA NA TUMIBA SA IMPORTED CHICKEN — Kinumpirma ng DA (Department of Agriculture) na may outbreak na naman daw ng bird flu sa mga manok.
Kung totoo 'yan ay dapat mag-ingat ang publiko.
Pero kung 'yan ay "gawa-gawa" lang ng mga "buwaya" sa DA para tumiba at magkamal ng salapi sa pamamagitan ng pag-i-import, bad ‘yan, period!
◘◘◘
DAHIL TUMAAS NA NAMAN PRESYO NG LPG, ASAHAN NANG TATAAS DIN ANG PRESYO NG MGA PAGKAIN SA MGA RESTAURANT AT KARINDERYA — Tumaas na naman ang presyo ng LPG (Liquefied Petroleum Gas).
Nakupo, dahil d’yan ay asahan nang tataas din ang presyo ng mga panindang pagkain sa lahat ng mga restaurant at mga karinderya sa bansa, saklap!





Comments