Mga papasok sa ‘Pinas, ‘di na kailangan ng COVID-19 test
ni Ryan Sison - @Boses | May 30, 2022
Inaasahan ng Bureau of Immigration (BI) na lalo pang tataas ang inbound passengers sa bansa.
Ito ay matapos tanggalin ng pamahalaan ang COVID-19 test requirement sa mga biyaherong fully vaccinated at may booster shot.
Mula ngayong araw, hindi na kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test ng mga biyahero kung sila ay 18-anyos pataas at naturukan ng kahit isang COVID-19 booster shot, base sa Resolution 168 ng Inter-Agency Task Force (IATF). Nakapaloob din sa resolusyon na hindi na hihingan ng pre-departure RT-PCR requirement ang mga edad 12-17 na fully vaccinated, gayundin ang mga bata na wala pang 12-anyos na kasama ng isang fully vaccinated o boosted parents o guardians.
Samantala, ayon sa BI, 15,000 ang daily average arrival sa bansa ngayon. Bagay na malayo pa sa 45,000 arrival noong pre-pandemic.
Patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang BI sa Department of Health (DOH) at IATF kung kakailanganing maghigpit ng borders dahil sa pagkalat ng monkeypox sa ilang bansa.
Gayunman, handa umanong magpatupad ng kaukulang hakbang ang ahensya para maharang ang sakit tulad ng ginawa sa COVID-19.
Bagama’t malaking ginhawa para sa mga biyahero ang pagluluwag na ito, pakiusap natin sa mga kinauukulan na sana’y bantayan pa ring mabuti ang mga papasok sa bansa.
Lalo pa’t hindi lamang COVID-19 ang kalaban natin dahil kinakailangan ding mag-ingat sa banta ng monkeypox, gayung kalat na ito sa iba’t ibang bansa.
Gaya ng palagi nating sinasabi, ang bawat pagluluwag ay dapat sabayan ng pag-iingat. At hindi lamang gobyerno ang dapat gumawa nito kundi maging ang lahat ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments