top of page
Search
  • BULGAR

Mga papasok ng holidays, magdoble-ingat

ni Ryan Sison @Boses | October 23, 2023


Sa kabila ng inaasahang mahabang bakasyon dahil sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections at Undas, tiyak na marami pa ring mga empleyado ang papasok sa kanilang mga trabaho.


Nitong Linggo, ipinaalala ng Department of Labor and Employment sa mga employer ang kaukulang holiday pay guidelines sa darating na long weekend para sa kanilang mga empleyado.


Sa interview ng ABS-CBN News kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma sinabi nitong ang Oktubre 30, Nobyembre 1, at 2 ay mga special non-working holiday, na karaniwang ang ibig sabihin ay “no work, no pay” para sa mga empleyado.


Ipinaliwanag naman ni Laguesma na kung ang isang empleyado ay mag-report sa trabaho sa kahit isa sa mga petsang ito, dapat silang magkaroon ng karagdagang 30% ng kanilang suweldo.


Aniya, kapag nag-overtime ang isang empleyado sa panahon ng special non-working holiday, ang kanilang 130% compensation ay tataas pa ng 30%.


Bukod dito sinabi ng DOLE chief, na kapag ang isang empleyado ay nagtrabaho sa panahon ng isang special non-working holiday at pumatak o tumapat sa kanilang day off, ang kanilang employer ay dapat magbigay ng 50% wage augmentation sa halip na additional 30% premium.


Gayundin aniya, ang “no work, no pay” rule ay napapailalim din sa qualifications.


Subalit, kung may umiiral na mas mabuti o mas magandang company policy na kahit na hindi pumasok ang isang empleyado dahil holiday ay babayaran din o anumang klase ng arrangement mayroon sa employer ay maaaring gawin, ani Laguesma. Sinabi pa niya na kung may collective bargaining agreement na nagsasaad na tuwing special holiday na isinasagawa ay meron pa ring suweldo ang mga empleyado.


Malaking tulong sa mga ordinaryong manggagawa na kung papasok sila sa kanilang mga trabaho sa kabila na ito ay holidays at may dagdag sa kanilang mga sahod, kahit papaano ay maiibsan ang hirap at pagod na nararanasan.


Ang masaklap lang ay ‘yung mga empleyadong hindi papasok dahil sa “no work, no pay” nga, na totoo namang hindi sila nagtrabaho at nagbakasyon kaya tama lang na wala silang sahod ng mga araw na holidays.


Paalala lang natin sa mga kababayan na sakaling papasok sa kani-kanilang mga trabaho sa mga panahong nabanggit, magdoble-ingat dahil halos lahat ay nasa labas, malls at mga pasyalan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page