Mga panuntunan, dapat malinaw sa lahat bago ipatupad
ni Ryan Sison - @Boses | January 20, 2022
Ilang araw matapos ipatupad ang “no vaccine, no ride” policy sa National Capital Region (NCR), binigyang-linaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi kabilang ang lahat ng manggagawa na hindi bakunado sa naturang polisiya.
Paliwanag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, itinuturing na essential ang serbisyo ng mga manggagawa kaya hindi ito dapat kuwestiyunin. Gayundin, kapag hindi pinayagan ang mga manggagawa na sumakay, maaapektuhan ang ekonomiya dahil sa paghinto ng mga negosyo
Dagdag pa ng kalihim, kailangan lamang ipakita ng mga unvaccinated o partially vaccinated na manggagawa ang kanilang ID para payagang makasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Matatandaang, ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang “no vax, no ride” policy kung saan kinakailangang ipakita ng mga mananakay ang kanilang vaccination cards bago sumakay sa PUV.
Ngayong mas malinaw na ang panuntunan, sana naman ay maiwasan na ang kalituhan. Bagama’t naunawaan nating layunin nitong maprotektahan ang mamamayan laban sa matinding hawahan, sana ay hindi ito magdulot ng panibagong problema.
Matatandaang, nagdulot ng pagkadismaya at aberya sa maraming komyuter ang naturang polisiya sa mga unang araw ng pagpapatupad nito. Libu-libong hindi bakunado at partially vaccinated ang hindi pinasakay sa pampublikong sasakyan, na naging dahilan upang hindi makapasok sa trabaho ang ilan.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, bago magpatupad ng polisiya, tiyaking maliwanag at nauunawaan ng lahat para iwas-aberya, lalo na sa mga naghahanapbuhay.
At hindi porke exempted sa polisiya ang lahat ng manggagawa ay magpapabaya na tayo. Tandaan, hindi ito nangangahulugan na dededmahin na lang natin ang mga umiiral na protocols.
Bakunado man o hindi, puwedeng tamaan ng virus, kaya naman kailangang sabayan ng ibayong pag-iingat ang pagsunod sa mga umiiral na polisiya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments